ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
INAPRUBAHAN ng Kamara nitong Biyernes, Setyembre 26, ang panukalang pondo ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para sa taong 2026.
Sa plenaryo ng Kamara, ipinanukala at isinulong ni Misamis Occidental 2nd District Representative Hon. Sancho Fernando F. Oaminal ang pondo ng MTRCB.
Sa deliberasyon, nagpahayag ng suporta si PHILRECA Party List Representative Hon. Presley De Jesus sa mga programa at inisyatibo ng Board para itaguyod ang lokal na industriya ng pelikula.
Kamakailan, inilunsad ng MTRCB ang kampanyang “Bagong Pilipino, Tara, Nood Tayo!” na humihikayat sa mga Filipino na suportahan at panoorin ang mga lokal na pelikula at programa sa telebisyon.
Noong 2024, higit sa 267,000 materyales ng pelikula at telebisyon ang nabigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB. Mula Enero hanggang Agosto 2025, umabot sa 125,369 na materyales ang naribyu ng Board.
Bagamat payak sa kagamitan ang Ahensiya, nananatiling tapat ang Board sa pagtupad sa mandato nito na mastiyak ang wastong klasipikasyon sa lahat ng materyal sa gitna ng mabilis na paglago ng industriya ng paglikha.
Pinasalamatan ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto si Rep. Oaminal sa pagsusulong ng badyet ng Ahensiya para sa FY 2026 at nagpaabot ng pasasalamat sa mga mungkahing nailatag sa deliberasyon.
“Lubos naming pinasasalamatan ang pagsisikap ni Hon. Sancho Fernando F. Oaminal sa pagtataguyod ng aming adhikain, at kinikilala rin namin ang mahahalagang pananaw at makabuluhang kontribusyon ni Representative Renee Louise M. Co sa deliberasyon,” sabi ni Sotto.
Nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat ang Board sa buong Kamara sa pamumuno ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III para sa kanilang patuloy na suporta sa mga inisyatiba ng Ahensiya upang isulong ang responsableng panonood at patatagin ang industriya ng pelikula at telebisyon.
“Makakaasa po ang lahat na ang Board ay mananatiling nakatutok sa pagtupad sa mandato nito sa ilalim ng Presidential Decree No. 1986 habang patuloy na sinusuportahan ang industriya ng pelikula at telebisyon sa bansa, na nakikitang magbibigay ng malaking kontribusyon sa paglago ng ekonomiya at pambansang kaunlaran,” dagdag pa ni Sotto.
Ang panukalang pondo ng MTRCB ay susuporta sa pangunahing kampanya nitong “Responsableng Panonood,” na binubuo ng “RP Seminars” para sa mga magulang, “RP Pulong” kasama ang mga stakeholder, “Responsableng Paglikha” para sa mga filmmaker, at “Responsableng Paggabay” para sa mga producer at network.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com