MULING pinarangalan ng lalawigan ng Bulacan ang isa sa pinakamahalagang yugto sa kasaysayan ng Filipinas sa paggunita ng Ika-127 Anibersaryo ng Kongreso ng Malolos nitong Lunes, 15 Setyembre, dakong 8:00 ng umaga sa makasaysayang simbahan ng Barasoain, sa lungsod ng Malolos, kasama si Associate Justice Theresa V. Mendoza-Arcega bilang panauhing pandangal at tagapagsalita.
Nakasama ni Associate Justice Arcega sa nasabing pagdiriwang sina Gob. Daniel Fernando, Bise Gob. Alexis Castro, Punong Lungsod ng Malolos Christian Natividad, at P/BGen. Ponce Rogelio Penones, Jr., Regional Director ng PRO3 PNP.
May temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan”,naging tampok sa programa ang seremonya ng pag-aalay ng bulaklak at pormal na programa bilang pagbibigay-pugay sa mga naunang bayani na naghandog ng kanilang buhay para sa kalayaan ng Filipinas.
Ang Kongreso ng Malolos, na unang nagtipon noong 1898, ay isang makasaysayang asembleya ng mga Pilipinong lider na bumalangkas at nagpasa ng Saligang Batas ng Malolos na siyang kauna-unahang republikang konstitusyon sa Asya na nagsilbing pundasyon ng Unang Republika ng Filipinas. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com