Quezon City — Sumama si Congressman Brian Poe sa isinagawang operasyon kamakalawa ng gabi sa Batasan Hills laban sa ilegal na online at on-ground gambling na walang kaukulang lisensiya mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Pinangunahan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang operasyon, katuwang ang PCSO, Philippine National Police (PNP), at civil society group na Digital Pinoys.
Pitong suspek ang naaresto sa operasyon—lima sa Quezon City at dalawa sa mismong Batasan—na nagsasagawa ng ilegal na operasyon ng sugal sa mismong paligid ng Kongreso. Kompirmado ng mga awtoridad na nilabag ng mga suspek ang mga probisyon ng Revised Penal Code at ng Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175).
“Ang pagtutulungan ng PCSO, PNP, CICC, at DICT ay patunay na kung may koordinasyon, may resulta. Kahit kulang sa pondo, ipinakita ng CICC at DICT na patuloy silang nagseserbisyo para sa taong-bayan. Kapag nadagdagan pa ang kanilang budget, mas marami pa tayong makikitang ganitong operasyon laban sa mga ilegal na sindikato ng sugal,” pahayag ni Cong. Poe.
Bilang co-sponsor ng budget ng DICT, binigyang-diin ni Poe ang malaking pangamba dahil sa pagbawas ng pondo para sa cybercrime enforcement sa 2025—binawasan ng 36% ang kabuuang cybersecurity budget ng DICT at itinakda sa zero ang capital outlay ng CICC.
Dagdag ni Poe: “Sa panig ko, ang pinakaunang resolusyon na inihain ko bilang kongresista ay ang House Resolution No. 40 na nagsisiyasat sa mga suliranin ng online gaming sa ating bayan. Kailangan marinig ng mga kongresista ang mga ulat na ito para malaman nila na kahit magpatupad tayo ng bagong polisiya, may mga operasyon ng online gambling na nakalulusot pa rin. Kaya’t narito ako upang makita mismo kung paano nagpapatuloy ang mga ilegal na operasyon na ito. Hihingi ako ng mga ulat mula sa PCSO, DICT, CICC, at PNP upang matutukan ito.
Kung may mga polisiya na maaari nating ipanukala sa Kongreso para mas palakasin ang CICC at ang kanilang interagency capabilities, sisilipin natin ito. Hindi ko papayagang umiral ang mga operasyong ito sa mismong bakuran ng Kongreso.”
Samantala, ipinahayag din ni DICT Secretary Henry Aguda ang kanyang pasasalamat at pagpuri kay Cong. Poe dahil sa kanyang aktibong suporta: “Kasama natin ngayon si Congressman Brian. At gaya ng nakikita ninyo, matapos ang aming budget hearing kanina, siya mismo ay nagpunta rito upang personal na makita kung paano natin ginagamit ang National Fund para isakatuparan ang mga ganitong operasyon. Mahalaga ang kanyang suporta upang maipakita na ang pondo ay tunay na napupunta sa laban kontra cybercrime.”
Ipinaalala rin ng Kongresista na ang kanyang adbokasiya laban sa ilegal na online gambling ay bahagi ng kanyang unang hakbang sa ika-20 Kongreso, at patuloy niya itong ipaglalaban.
“Sa loob ng tatlong araw lang mula nang italaga ang PNP personnel sa loob ng CICC, ito na agad ang resulta. Ipinapakita nito na kung whole-of-government approach ang gagamitin natin, mas malakas ang laban kontra ilegal na online gambling. Hindi lang online casino kundi pati online lottery ang problema—mula piso hanggang sampung piso ang taya kaya nakaaapekto ito sa pinakamahihirap. Kaya’t salamat sa lahat ng katuwang, lalo na sa ating budget defender na si Congressman Brian.” giit ni ED Paraiso ng CICC.
Muling iginiit ng mga awtoridad na ang mga ilegal na operasyon ay nag-aalis ng kita na dapat sana’y napupunta sa mga charity program ng PCSO, partikular para sa medikal na tulong sa mga nangangailangan. Hinimok din ng mga partner sa civil society ang publiko na i-report ang mga ilegal na operasyon ng sugal sa CICC hotline 1326 o sa DigitalPinoys.org.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com