HANDANG-HANDA na ang Alas Pilipinas para sa pagsabak sa FIVB Volleyball Men’s World Championship na gaganapin mula Setyembre 12 hanggang 28 sa Mall of Asia Arena at Smart Araneta Coliseum.
“Handa na kaming gumawa ng kasaysayan,” pahayag ni Mr. Ramon “Tats” Suzara, Pangulo ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF), sa isinagawang Media Day nitong Lunes ng koponan sa National Museum of Natural History sa lungsod ng Maynila.
Bilang simbolo ng hangaring makamit ang karangalan at kasaysayan, sabay-sabay na bumisita sa pambansang museo ang buong pambansang koponan — mga manlalaro at mga kasapi ng coaching staff — upang balikan ang pinagmulan ng kanilang pagkatao at kultura. Isinagawa ito bilang inspirasyon, ilang araw bago harapin ang ilan sa pinakamahuhusay na koponan sa mundo sa unang pagkakataong pagho-host ng Pilipinas ng nasabing pandaigdigang paligsahan na nilahukan ng 32 mga bansa.
Makikita sa National Museum of Natural History ang mga permanenteng eksibit na nagpapakita ng mayamang kasaysayan, kultura, at likas na yaman ng Pilipinas. Isang makasaysayang laban ang inaasahan sa pagbubukas ng torneo kung saan unang makakaharap ng Alas ang 11-beses na kampeon ng Africa, sa harap ng inaasahang mahigit 10,000 manonood.
“Ilang araw na lamang bago natin masaksihan ang kasaysayan. Gawin natin itong makabuluhan at ipakita sa buong mundo na ang mga Pilipino ay kabilang sa pinakamahusay na tagahanga sa buong mundo,” dagdag pa ni Suzara, na nagsilbi ring Pangulo ng Asian Volleyball Confederation (AVC) at Pangalawang Pangulo ng FIVB.
Pinamumunuan din ni Suzara ang Local Organizing Committee para sa World Championship, katuwang sina Mr. William Vincent “Vinny” Araneta Marcos, anak ng Pangulo ng Pilipinas; Senador Alan Peter Cayetano; at Kalihim ng Turismo Christina Frasco. Ayon kay Suzara, ang pagbisita ng koponan sa pambansang museo ay bahagi ng opisyal na aktibidad bago ang kanilang pagsabak sa kompetisyon.
Pinangungunahan nina Team Captain Bryan Bagunas at beteranong manlalaro Marck Espejo, nag-ikot ang koponan sa loob ng higit isang oras sa 12 permanenteng galeriya ng museo, na nagpapakita ng pambihirang likas at biyolohikal na yaman ng bansa.
Para sa Alas Pilipinas na ngayon ay pinangungunahan ng Italian champion coach na si Mr.. Angiolino Frigoni, ang inspirasyong ito ay nagsisilbing dagdag na lakas ng loob sa pagharap sa Pool A kung saan makakaharap nila ang No. 13 Iran, ang African champion at No. 23 Egypt, at No. 42 Tunisia.
“Isang malaking karangalan ang maging bahagi ng makasaysayang kaganapan na ito. Kami ay sabik nang ipakita ang antas at pagkakakilanlan ng Philippine volleyball sa pandaigdigang entablado,” ani Espejo, na umaasa ring magsisilbing mahalagang paghahanda ang kanilang matagal na training camp sa Europa.
“Sa matagal naming pananatili sa Europe, mas lalo po naming nakilala ang isa’t isa bilang koponan. Handa na po kaming lumaban para sa bayan. Ipinapangako po naming ibibigay namin ang aming buong makakaya — hindi lamang para makadikit o makakuha ng isang set, kundi para manalo ng mga laro.”
Bago ang aktuwal na torneo, nakipagtagisan ng galing ang Alas sa mga bansang Romania, Morocco, at Portugal. Sisimulan nila ang kanilang kampanya sa laban kontra Tunisia sa Setyembre 12, sa kauna-unahang laban ng pinakamasidhing edisyon ng torneo sa kasaysayan.
Ang paligsahan ay suportado ng mga pangunahing tagapagtaguyod tulad ng Rebisco, SM, PLDT, SMART, Metro Pacific Investments, Honda Philippines, Meralco, Sony, Lenovo, at LRT Line 2, sa ilalim ng opisyal na pangangasiwa ng FIVB, katuwang ang Volleyball World, Mikasa (opisyal na bola), Mizuno, Gerflor, at Senoh Corporation.
Inaabangan din ang engrandeng Opening Ceremony na pangungunahan ng K-Pop group BoynextDoor, na magdadagdag saya at kulay sa pagsisimula ng paligsahang pandaigdig. (PNVF)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com