ARESTADO ang apat na kalalakihan na pinaghihinalaang miyembro ng hold-up gang sa isang checkpoint operation sa bahagi ng McArthur Highway, Brgy. Sto. Domingo, lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga, nitong Linggo ng hapon, 31 Agosto.
Sa ulat mula kay PRO3 Regional Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr., dakong 2:00 ng hapon, habang nagsasagawa ng anti-criminality checkpoint ang mga operatiba sa naturang lugar, pinahinto nila ang dalawang motorsiklo para sa routine inspections.
Sa halip na sumunod, mabilis na umiwas ang mga rider ng dalawang motorsiklo ngunit mabilis na naabutan ng mga awtoridad na nagresulta sa kanilang pagkaaresto.
Sa pag-usisa sa mga suspek, isa sa kanila ang nagpakilalang pulis at nakumpiskahan ng walang lisensiyang G-Lock pistol at handheld grenade, samantalang nadiskubre ang isa na kargado ng walang lisensiyang caliber 30.
Dito na nagkaroon ng hinala ang mga awtoridad na ang grupo ay mga miyembro ng robbery-hold up gang na kumikilos sa naturang lungsod at karatig-lugar na nagtatangka na namang mangloob.
Habang nagkakaroon ng proseso, isa sa mga suspek ang nagtangkang manuhol ng cash sa mga arresting officers kapalit ng kanilang kalayaan ngunit agad na ni-reject nila ito at kinasuhan sila ng karagdagang Corruption of Public Official.
Inilagay sa kustodiya ng Police Station 1, Angeles City Police Office ang mga suspek at mga nakumpiskang baril, pampasabog, at cash, para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com