NAGHIHIMAS ngayon ng rehas na bakal ang isang lalaki matapos arestuhin ng pulisya kaugnay sa reklamong panggagahasa sa isang dalagita sa isang beach resort sa Dingalan, Auroroa.
Ayon sa ulat mula kay Police Regional Office 3 Director PBGeneral Ponce Rogelio I. Peñones Jr., ang inarestong suspek ay isang 27-anyos na resort staff na residente ng Brgy. Paltic, Dingalan.
Samantala, ang biktima na itinago ang pangalan sa alyas “Anna”, 13-anyos, ay sinamahan ng kanyang lola na magsampa ng reklamo sa Dingalan Municipal Police Station.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na ang suspek ay nabola ang biktima sa pamamagitan ng online chat at nakumbinsi ito na makipagkita sa beach resort kung saan siya ay isang staff.
Nang dumating si alyas “Anna” sa lugar ay nagkaroon ito ng pag-aalinlangan bagay na hindi nagustuhan ng suspek kaya sinuntok niya sa tiyan ang biktima at sinakal sa leeg hanggang mawalan ng malay saka ito ginahasa.
Ang pangyayari ay isinumbong ng biktima sa kanyang lola na nakipag-ugnayan muna sa mga opisyal ng barangay na kaagad umaksiyon at sa tulong ng mga awtoridad ay inaresto ang suspek.
Kasong statutory rape ang nakatakdang isampa sa suspek na ngayon ay nasa kustodiya ng Dingalan MPS samantalang ang biktima naman ay sasailalim sa medical examinations. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com