ISANG babae na nagpapanggap na registered dentist ang inaresto matapos kumagat sa pain na inilatag ng mga aworidad sa Olongapo City kamakalawa ng hapon.
Nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng Olongapo City Cyber Response Team na humantong sa pagkakaaresto kay alyas “Milet,” na nag-aalok ng hindi awtorisadong serbisyo sa ngipin online.
Si alyas “Milet” ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 33 ng RA No. 9484 (Philippine Dental Act of 2007) kaugnay sa Section 6 ng RA No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Bukod sa pangloloko online na siya ay tunay na dentista, upang makaakit ng kostumer, si alyas “Milet” ay nagsusuot pa ng nga sexy outfit habang nagsasagawa ng serbisyo sa ngipin.
Nang makarating ang sumbong sa Olongapo City Cyber Crime Response, kaagad sila nagsagawa ng aksiyon kung saan isang operatiba ang nagpanggap na kliyente at nang magpositibo ang transaksiyon ay dinakip na ang suspek.
Kaugnay nito ay pinuri ni Brigadier General Bernard R. Yang, acting director ng PNP Anti-Cybercrime Group, ang unit sa matagumpay na operasyon sa pagsasabing ang hindi mga lisensyadong serbisyo sa ngipin ay hindi lamang lumalabag sa batas ngunit nagdudulot din ng malubhang panganib sa kalusugan sa publiko.
Nagbabala ang PNP ACG laban sa paghahanap o pag-aalok ng mga medikal na pamamaraan online nang walang tamang kredensyal at hinihimok ang lahat na iulat ang mga naturang aktibidad upang makatulong na pangalagaan ang kaligtasan ng publiko. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com