ARESTADO ang anim na Filipino sa Hong Kong dahil sa pagpapanggap na mga dentista sa isang ilegal na operasyon ng dental clinic, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa ulat ng DFA, ang anim Filipino, orihinal na nagtatrabaho bilang domestic helpers, ay ikinulong ng Hong Kong Immigration Department dahil sa “breach of condition of stay by taking up unapproved employment and establishing, or joining in business in Hong Kong; and falsely pretending to be a dentist.”
Iniulat na ang mga inarestong Pinoy noong 17 Agosto, Linggo, ay nasa pagitan ng edad na 34 at 60 anyos.
Ayon sa ulat, ang mga inaresto ay pinaghihinalaang nagpapatakbo ng isang ‘di-lisensiyadong’ dental clinic sa isang nakatagong tenement flat sa Sham Shui Po, idinagdag na mayroong 13 customers sa panahon ng pag-aresto.
Sinabi ng DFA na konsulado at ang Migrant Workers Office sa Hong Kong ay kasalukuyang nagbibigay ng tulong sa legal na aspekto para sa mga naarestong manggagawa.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com