ni ALMAR DANGUILAN
PINANINDIGAN ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Nicolas Torre III ang kaniyang kautusan na nagpapatupad ng balasahan na kinabibilangan ng pagpalit sa No. 2 top honcho ng pulisya.
Sa flag-raising ceremony sa Kampo Crame kahapon ng umaga, ipinakilala ni Torre ang kaniyang command group sa pangunguna ni P/LtGen. Bernard Banac bilang The Deputy Chief PNP for Administration.
Ipinakilala rin si P/LtGen. Edgar Allan Okubo bilang Deputy Chief PNP for Operations at PMGen. Neri Ignacio bilang “The Chief of the PNP Directorial Staff”.
Magugunita na nitong 6 Agosto, pinagpalit sa puwesto sina Banac at PLtGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., bilang No. 2 man sa PNP pati sa Area Police Command – Western Mindanao.
Kasama sa balasahan ang re-assignment sa 11 opisyal ng PNP na kinontra ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Iginiit ng PNP Chief sa kaniyang talumpati ang pagkakaisa ng buong hanay ng pulisya sa kabila ng mga hamon na kanilang kinaharap nitong mga nagdaang araw.
Samantala, naniniwala si Torre na natuldukan na ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan nila at ng NAPOLCOM kaugnay sa ipinatupad na balasahan sa matataas na opsiyal ng PNP na kinontra ng huli batay sa inilabas nitong resolusyon.
Sinabi ni Torre na gaya ng isang pamilya, normal lamang ang pagkakaroon ng misunderstanding sa pagitan ng magkakapatid ngunit sa bandang huli ay nauuwi rin sa pagkakasundo.
Samantala, hindi kinompirma o itinanggi ni Torre kung namagitan dito si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., at sa halip ay ipinaubaya na niya sa Palasyo ang pagsagot.
Ang importante aniya, “moving forward” at kanila nang haharapin ang iba pang mga usapin.
Sa ngayon, mananatili sa puwesto ang opisyal na sakop ng huling balasahan kasama si Banac na bagong No. 2 man ng PNP
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com