Inaresto ng mga awtoridad ang isang babae sa bayan ng Marilao, lalawigan ng Bulacan, dahil sa reklamong online sexual exploitation, kung saan nasagip ang limang menor de edad.
Lumabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na isang alyas “Tisay” ang nag-aalok ng tahasang sekswal na serbisyo na kinasasangkutan ng mga menor de edad at pagpapadala ng child sexual abuse o exploitation materials (CSAEM) sa mga dayuhan.
Matapos mabigyan ng warrant upang hanapin, agawin, at suriin ang computer data, pinuntahan ng mga awtoridad sa address ang tinutukoy na indibiduwal sa nabanggit na bayan.
Sinabi ng NBI na humantong ang operasyon sa pagkakaaresto kay alyas Tisay at pagkakasamsam ng iba’t ibang gadgets samantalang limang menor de edad ang kanilang nasagip.
Itinurn over ang mga menor de edad sa Marilao Municipal Social Welfare and Development Office para sa kaukulang intervention at aftercare services.
Samantala, iniharap ang suspek sa inquest para sa mga kasong paglabag sa RA 9208, na sinususugan ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022; ang Anti-OSAEC at Anti-CSAEM Act, at ang Anti-Child Abuse Law.
Ayon sa NBI, nag-ugat ang operasyon sa referral ng Homeland Security Investigation (HSI) hinggil sa mga numero ng telepono ng Pilipinas na sangkot sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).
Sinabi ng HSI na ang referral ay batay sa pag-aresto sa isang mamamayan ng Estados Unidos para sa pagsasamantala sa mga bata. (Micka Bautista)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com