NASAMSAM sa ikinasang operasyon ang Bulacan PPO ang tinatayang P372,970 halaga ng hinihinalang high-grade marijuana (kush) at THC vape cartridges sa lungsod ng San Jose Del Monte, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 16 Agosto.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Russell Dennis Reburiano, hepe ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU), mula 4:40 hanggang 8:30 ng umaga ay ipinatupad ng pinagsanib na puwersa ng PIU Bulacan PPO, San Jose Del Monte CPS, PDEA Bulacan, at Bulacan 1st at 2nd Provincial Mobile Force Companies ang Search Warrant No. SW-004-SJ-2025 sa Blk 37 Lot 30 Marigold St., Evergreen Subdivision, Brgy. Gaya-gaya,sa nasabing lungsod, laban sa suspek na kinilalang si alyas Aron, residente ng nasabing lugar, na kasalukuyang nakalalaya pa rin.
Narekober sa isinagawang operasyon 12 vacuum-sealed packs ng pinatuyong dahon ng hinihinalang high-grade marijuana (kush) na may kabuuang timbang na 184.1 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P312,970; 15 kahon ng tig-iisang (1 ml) piraso ng hinihinalang Tetrahydrocannabinol (THC) vape cartridges na nagkakahalaga ng P60,000; isang maliit na pakete ng rolling paper; at isang malaking kahon.
Ayon sa ulat, ang kabuuang halaga ng nakumpiskang ilegal na droga ay umabot sa P372,970, na dinala sa opisina ng Bulacan PIU para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Ang naturang operasyon ay malinaw na nagpapakita ng patuloy na kampanya ng Bulacan PNP laban sa ilegal na droga, sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Angel Garcillano, provincial director, at sa paggabay ni P/BGen. Poce Rogelio Peñones, Jr., regional director ng PRO 3, bilang bahagi ng mas pinaigting na hakbang upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com