
ni ALMAR DANGUILAN
MASUSING inoobserbahan sa Capitol Medical Center ang tatlong Grade 7 students kabilang ang magkapatid na kambal matapos mabagsakan ng debris mula sa isang gusali sa Quezon City kahapon.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Kamuning Police Station 10 nangyari ang insidente dakong 4:40 ng hapon sa harap ng Atherton Place Condominium Building sa panulukan ng Tomas Morato at Roces avenues sa Brgy. Laging Handa, Quezon City.
Nabatid na naglalakad ang mga biktimang estudyante nang mabagsakan ng debris mula sa ikaapat na palapag ng nabanggit na condominium.
Ayon sa mga nakasaksi, nagulat na lamang sila nang marinig ang malakas na tunog ng pagbagsak.
Napag-alaman na isang bloke ng palitada ang bumagsak mula sa mataas na palapag ng isang building.
Agad isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang tatlong estudyante na kasalukuyang inoobserbahan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com