HARD TALK
ni Pilar Mateo
IPALALABAS na very soon ang Wild Boys na likha ng aktor at direktor na si Carlos Morales.
Ipinakilala na ng Bright Ideas Productions ang cast na kinabibilangan nina Nico Locco, Kristof Garcia, CJ Garcia, Rash Flores, Pedro Red, Christina Ty, kasama sina Rolando Inocencio, Cataleya Surio, Atakstar, at Inday Garutay.
Pero may isang kasama sa long table na nakaupo ang cast. Si Atty. Noel Atienza. Bakit siya nakaupo roon? Artista rin ba siya?
Walang special participation sa pelikula si Atty. Atienza.
May mga bagay siyang nilinaw dahil sa reklamo ng produksiyon sa dalawang bida ng pelikula.
Ang magkapatid na Abrenica na sina Vin at Aljur.
Dahil tila nakalimutan umano ng dalawa ang obligasyon nila sa kanilang trabaho kahit natapos na ang mga eksena nila sa harap ng kamera.
Promo time na. Hindi sila sumisipot. Hindi sumsagot sa mga taqa-produksiyon sa kanila. Hindi nakikipag-communicate para maayos kung mayroon silang dinaramdam laban sa produksiyon o sa mga nakasama nila sa trabaho o sa set.
Naghayag ng saloobin nila ang nasa cast gaya ni Nico. Na nakaramdam na sa nangyayari ay nagpapakita ng pagiging unprofessional ang magkapatid. Pero nilinaw nila na wala naman sa kanila ang nagkaroon ng problema sa dalawa at natapos naman nila ang kanilang mga eksena.
Nasa Amerika naman si direk Carlo na isang Nurse roon at nakatakdang magsilang ang misis kaya ‘di muna makauuwi.
Breach of contract ang sinasabing isasampang reklamo kina Vin at Aljur kung hindi magkakaayos o magkakausap sa mga bagay na dapat nilang gampanan.
Samantala, PG-13 ang nakuha nitong rating sa MTRCB. Kaya masasabing kahit ang istorya nito ay umikot sa buhay ng bar boys ay may kukurot sa puso ng mga manonood sa istorya ng bawat karakter.
May ari ng gay bar si Rollie at si Inday ang mala-Mama Sang dito at taga-ayuda niya si Cataleya with Atakstar.
Mukhang nadala ng dalawang comedy bar hosts sa pelikula ang magandang kemistri at mismong ang kasama nilang si Cataleya ang nagsabing ang puso ng pelikula ay iikot kay Inday.
Sana bago sumapit ang showing nito sa Agosto 13, 2025, nagka-ayos na ang magkapatid at ang producer nila para everybody happy.
Hindi syempre maganda na matatakan ng hindi magandang rekord sa trabaho niya ang isang artista.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com