FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
HINDI ito ang inaasahan nating kahahantungan ng pagkatalo sa laro ng buhay—sa napakabatang edad—ng isang sakristan. Tinamaan ng leptospirosis ang bente-anyos na si Angelo “Gelo” dela Rosa at agad na binawian ng buhay matapos lumusong sa maruming baha habang hinahanap ang kanyang ama, na noon ay tatlong araw nang nawawala, sa kasagsagan ng pananalasa ng habagat noong nakaraang buwan.
Bumida sa mga balita ang kanyang pagkasawi dahil sa masakit na kuwento sa likod ng pagkakatagpo sa kanyang ama… sa loob ng kulungan. Tulad nga ng ipinunto ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David: ang gobyerno na hinayaan lang na pumalpak ang programa nito laban sa pagbabaha at kumita sa pinakamalalaking operasyon ng sugal sa bansa, ay ang parehong gobyerno na nagpakulong sa ama ni Gelo dahil sa larong kalye na cara y cruz.
Ang nasabing laro ay matagal nang libangan ng marami, pantanggal bagot, pero pinarusahan noong 1978 sa isang decree na ipinalabas ng noon ay presidenteng si Ferdinand E. Marcos. Marahil iyon ang panahong nauso sa bansa ang pagtugis at pagpaparusa sa maliliit na mamamayan habang pinababayaan lang na malayang lumangoy ang mga tinaguriang “big fish.”
Kapuri-puri si Bishop David sa pagbibigay-diin sa puntong ito, sapol ang kaibuturan ng isang problemadong sistema na inakala nating natuto na mula sa mga aral ng nakalipas na administrasyon — partikular na ang tokhang ng Duterte admin, isang todong pagmamalabis sa kapangyarihan na nagpaulan ng bala sa mahihirap habang hinahayaang mamuhay nang walang alalahanin ang mismong mga pasimuno ng kalakaran ng droga sa bansa.
Ayon sa pamilya ni Gelo, hindi nagsusugal ang kanyang ama, nakatambay lamang ito malapit sa nagkaka-cara y cruz sa bangketa nang sumalakay ang mga pulis para magsagawa ng pandadampot may maibida lang sa kanilang accomplishment reports. Ipinakikita nito ang pinakatamad na paraan ng pagpapatupad ng batas; kapag pinagdadadampot ang mga lalaking nakatsinelas lang, may kakaunting barya sa kani-kanilang bulsa, samantala pikit-mata naman sa bilyon-bilyong piso ng raket ng mga nag-o-operate sa ilalim ng permiso ng gobyerno.
Hindi ba garapalan naman sa pagkaipokrito na ang gobyerno, sa pamamagitan ng PAGCOR, ay nagpapahintulot sa industriya ng sugal na sumisimot sa pera ng pami-pamilya, nagpopondo sa sindikato ng mga kriminal, at sumisira sa mga buhay nang higit pa sa mga small-time na pagsalakay sa mga eskinita ng barangay?
At habang pinag-uusapan natin ang tungkol sa mga prayoridad na wala sa lugar, isang mas malaking pagkakasala ang mistulang “back-to-zero” o “learning-as-you-go” approach ng gobyerno pagdating sa pagtugon sa mga kalamidad, lalo sa usapin ng baha. Kung totoo man na handa nga ang kasalukuyang administrasyon, sa halip na nakaantabay lang para tumugon, bakit hindi nito nagawang tulungan ang mga ospital at klinika na natambakan ng mga pasyente ng leptospirosis matapos humupa ang baha?
Maaaring hindi ito natutukan sa kaso ni Gelo, pero walang dudang ito ang himutok ng mga pasyenteng nagsisimatay dahil sa leptospirosis, gaya ng nakita sa Ospital ng Maynila sa kabisera ng bansa. Maliwanag ang katotohanan na nabigla at nalula ang administrasyong ito sa dagsa ng mga pasyente ng leptospirosis.
Para kay Mr. Marcos Junior, ang opinyon ko sa usaping ito ay ang katotohanan na ang katarungan at kahandaan ay hindi mga proyektong pana-panahon, kundi tungkuling dapat lang na tuloy-tuloy. At habang mabilis na dinudurog ng inyong pulisya ang maliliit na krimen, ang lala ng pagkalulong ng ating mga kababayan sa online gambling ay nananatiling nakadedesmaya. Sa gitna ng pagkasirang ito sa ating lipunan, hindi ito nabanggit sa inyong huling SONA, Mr. President, o maaaring isinantabi para ‘tsaka na aksiyonan.
Kaya ito ang aking abang paghamon: Kung sasawatahin natin ang pagsusugal, simulan natin sa tuktok, sa pinakamataas, huwag sa laylayan. Kapag nagkataon, marahil mas may bigat na ang pagpapairal ng mga batas kaysa aking opinyon.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com