AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
BAHA… baha… baha… nakita naman natin na kahit saang sulok ng Metro Manila nitong mga nagdaang linggo ay binaha, nagmistulang ‘water world’ ang National Capital Region (NCR) bunsod ng tatlong magkakasunod na bagyo na sinamahan pa ng ulan habagat.
Isa sa pangunahing nakitang dulot ng pagbaha ay ang mga nakabarang basura sa mga estero mula sa mga walang disiplinang mga kababayan natin na nagtatapon ng basura kung saan-saan lalo sa mga kanal.
Pero huwag mabahala ‘ika ng Metro politan Manila Development Authority (MMDA) dahil gagawin nila ang lahat para masolusyonan ang suliranin. Ganoon ba? E sa anong paraan naman kaya?
Ito ay sa pamamagitan ng programang inilunsad ng MMDA – ang “Bayanihan Estero Program’’. Sa programa ay pagsisikapan masolusyonan ng MMDA ang problema sa baha. Yes, hindi lang pagsisikapan kung hindi gagawin ng ahensiya ang lahat.
Katunayan suportado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang proyekto dahil nakita niyang magiging epektibo ito at malaki ang maiaambag para solusyonan ang problema sa baha. Personal pa ngang dinaluhan o sinaksihan ni PBBM ang paglunsad sa programa ng MMDA na pinamumunuan ni Chairman, Atty. Don Artes.
Bukod kay PBBM, suportado rin ng local government units (LGUs) ang “Bayanihan Estero Program” at maging ng national government agencies. Layunin ng programa ay ang paglilinis at pagtatanggal ng mga nakabara sa mga lagusan ng tubig o mga ilog, kanal, at creek.
Suportado ng LGUs at national government agencies ang programa dahil nakita naman nila kung paano magtrabaho si Chairman Artes. Nakita ang kanyang political will —- ‘ika nga, nakita ang pagmamahal niya sa bayan.
“We are here because we are launching the program that is really led by – that’s led by MMDA on what we call the Bayanihan Estero Program. And what that essentially means ay lilinisin natin itong mga estero natin,” pahayag ni Pres. Bongbong.
‘Ika din ng Pangulo at nanawagan sa lahat na kinakailangan nang mag-adjust sa climate change. Nabanggit ng Pangulo ito dahil kahit anong gawin ay hindi na mapipigilan ang tinatawag na climate change na nagdudulot ng mga kakaibang lakas ng dumarating na bagyo.
Hindi lang ito kung hindi maging ang pagbaba ng siltation, pagdami ng mga basura na humaharang sa mga creek, sinisira ang mga pumping station na may malaking bahagi sa flood control na hindi pa naaayos. Bagamat don’t you worry may dear kababayan – inaayos na ang lahat ng MMDA bilang bahagi ng “Bayanihan sa Estero”.
Ikinatuwa nga ito ni PBBM kasabay ng pagsasabing ang programa ni Artes ay swak na swak para masolusyonan ang problema sa baha.
O malinaw ha, inilunsad ng MMDA ang proyekto at sinaksihan pa ito ni PBBM, ibig sabihin ay hindi ito isang papogi o ghost project kung hindi ay positive. Ayos, sa nasabing proyekto, malaki ang posibilidad na matapos na ang problema sa pagbaha sa Metro Manila o kung hindi man ay hindi magiging tulad ng mga nagdaan.
Heto pa ang kagandahan ng proyekto, bilang patunay na hindi ghost project ang Bayanihan Estero Program, ito ay sama-samang pagkilos ng mamamayan at hindi pagkilos ng iilang magkakasabuwat sa pagpaparte-parte ng kanilang magiging “kickback” sa pondo tulad sa naging “patama” sa SONA ni Pres. Bongbong hinggil sa mga proyektong ampaw at mga imahinasyong project reports.
Sa Bayanihan sa Estero, ang MMDA ni Chairman Artes ang magiging lead coordinator at implementor ng metro-wide Estero cleanup habang ang City/Barangay Officials naman ang partner implementor para sa koordinasyon at mobilization ng manpower at resources.
Naturalmente, hindi mawawala bilang kaagapay sa programa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang mga civil society group.
Iyan ang maganda, kasama ang mamamayan at mga civil society group kaya, malamang na magiging epektibo ang programa at walang mangyayaring ‘katarantaduhan’ sa pagpapatupad ng proyekto.
“The Bayanihan sa Estero Program symbolizes collective action especially during rainy season and storms. It is a reminder of the bayanihan spirit—from esteros to barangays, from government to houses—that if we are united, real change is attainable,” pahayag ni MMDA Chairman Artes.
Tama iyan Chairman Artes, buhayin ang bayanihan para sa bayan – actually kasama naman iyan sa kultura natin – ang magtulungan para sa interes o kapakanan ng lahat.
Target ng MMDA na makompleto sa 3rd quarter ng taong kasalukuyan ang paglilinis at rehabilitasyon sa may 23 pangunahing estero habang ang natitirang 273 waterways sa Metro Manila ay babantayan, susubaybayan at tatakdaan ang paglilinis at mga pagsasaayos bilang tugon sa mandato ng MMDA na pagbutihin ang urban waterways.
Ulit, baha…baha…baha…may katapat ka na — ang proyekto ng MMDA. (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com