ARESTADO ang isang lalaking hinihinalang kabilang sa grupo ng agaw-motorsiklo matapos na muling umatake sa bayan ng Pulilan, lalawigan ng Bulacan, nitong Martes ng madaling araw, 5 Agosto.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Protom Guevarra, hepe ng San Rafael MPS, kinilala ang suspek na si alyas Wil, 27 anyos, residente ng Brgy. Virgen delas Flores, Baliwag, Bulacan.
Sa loob ng limang minute, naaresto ang suspek ng mga tauhan ng Pulilan MPS sa pangunguna ni P/Lt. Col. Eisbon Llamasares sa kahabaan ng Pulilan-Baliwag Bypass Road, Brgy. Balatong B, Pulilan, habang sakay ng motorsiklong may stainless at asul na sidecar na tumugma sa na-flash alarm na ninakaw sa San Rafael.
Dinala ang suspek at ang motorsiklo sa San Rafael MPS para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa R A 10883 o New Anti-Carnapping Act.
Kaugnay nito, muling pinagtitibay ng pamunuan ni P/Col. Angel Garcillano, acting provincial director ng Bulacan PPO, ang dedikasyon ng pulisya sa lalawigan sa mabilis na pagtugon at pagpapanagot sa mga kriminal.
Ani pa niya, ang mabilis na pagtugon sa utos ni PNP Chief P/Gen. Nicolas Torre sa direktibang 5-minute emergency response ay susi sa kaligtasan at tiwala ng mamamayan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com