FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
NAKIPAGTULUNGAN ang Department of Migrant Workers (DMW) sa TikTok upang labanan ang illegal recruitment at human trafficking, isang bagay na kapuri-puri para sa digital world kung saan sandamakmak ang krimen. Sa unang anim na buwan ng 2025 pa lang, nakapagtala na ang DMW ng mahigit 300 kaso ng illegal recruitment at isinara ang mahigit 60,000 pekeng job posts.
Naaalala natin ang TikTok bilang patok na libangan at pang-aliw sa publiko noong kasagsagan ng mga pandemic lockdown. Pero simula noon ay malaki na ang nabago rito, mula sa pagbabahagi lang ng dancing clips, pranks, at iba pang kalokohan ay naging paraan na rin ito ng pagpapakalat ng maiikling balita.
Sa katunayan, napakaraming Filipino ngayon ang nakatutuklas ng pinakamaiinit na balita mula sa Tiktok kaysa iba pang mga tradisyonal na media platforms. Kaya naman ang kampanya nito katuwang ang DMW ay siguradong magtataas ng kamulatan at magbibigay-kaalaman sa publiko tungkol sa panganib ng mga kunwaring trabaho na iniaalok online, lalo na iyong ipinakakalat ng illegal recruiters na wala namang opisinang maaaring puntahan.
Ito ang tinatawag na social responsibility in action sa panig ng TikTok, nagpapakita ng malinaw na kagustuhan nitong makibahagi sa solusyon, hindi sa problema. At, sa totoo lang, pinagmukha nitong kahiya-hiya ang malamyang pagtugon ng iba pang platforms na patuloy na kumikita sa mga scam ads.
Ang Meta, lalo na, ay kilala sa pagpapahintulot sa malayang pagkalat ng deepfake videos, nagpapanggap bilang mga celebrity at negosyante upang mauto ang publiko sa mga kuno-kunong investments. Napatunayan na rin napakabagal, walang pakundangan, at hindi epektibo ang proseso ng reporting mechanisms sa Meta.
Alam ito ng mga scammers kaya naman Facebook ang kanilang paboritong go-to site para magpakalat ng kanilang mga kasinungalingan. Inaabot ng ilang linggo bago aksiyonan ng Meta ang isang scam ad mula sa platform nito, at sa panahong iyon, may mga bago nang ganoon na nagsisulputan din, parang talahib sa bilis dumami. Hindi naman kailangang maging henyo para hindi agad matukoy ang isang fake ad, pero mistulang kailangan pa ng milagro para mabilis na mapaaksiyon ang Meta.
Nabawi ba ni Koko ang tunay niyang boses?
Hindi ko kailanman pinagdudahan ang katalinuhan ni Koko Pimentel — anak ng isang parliamentary genius, isang bar topnotcher, at siya mismo ay isang napakahusay na abogado. Pero prangkahan tayo: ang kanyang boses bilang matuwid na tagapagbantay ng katiwalian ay kakatwang hindi napakinggan noong panahon ni Duterte. Sa katunayan, parang may pagtatakip pa nga kung di man may kotsabahan.
Muli ba niyang nadiskubre ang kanyang tapang ngayong wala na siya sa Senado, wala na sa kanyang partido, at natalo sa huling eleksiyon? Buti naman ‘yan, mister former senator, kung totoo ngang nasumpungan mong muli ang iyong kapangyarihan sa malayang pagpapahayag ng katotohanan. Nakalulungkot lang na kinailangan mo pang mawala sa puwesto at makuha ng iba ang pamana sa kasaysayan ng iyong partido bago mo masabi na, “Now we can be the mata ng bayan.”
Hindi mo masisisi ang maraming tao, gayunman, kung may duda sila na ang paninindigan mong ito ay halatado nang para lang sa political convenience. Ang tunay na hamon sa pagsasaprayoridad mo ng kapakanan ng publiko ay kung nanatiling dumadagundong ang pamumuna mo sa gobyerno kahit sa panahong hindi ka na pinatatahimik ng mga alyansa — o naetsapuwera dahil sa pagkatalo.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com