IPINAGDIWANG ng Philippine Merchant Marine School (PMMS) ang kanilang ika-75 founding anniversary sa pamamagitan ng isang masayang pasasalamat na sinimulan sa pagdaraos ng Banal na Misa, pagkakaroon ng president ice cream blowout, pagbibigay parangal, folk dance competition, at battle of the bands sa mga estudyante.
Ang pagdiriwang ay pinangunahan ni Juan Nolasco III, ang Pangulo ng PMMS.
Ayon kay Nolasco, laking pasasalamat nila sa Panginoon dahil patuloy ang paglago ng kanilang paaralan sa kabila ng mga hamon sa buhay.
Magugunitang minsang dumanas ng dagok ang naturang paaralan nang mayroong nagtangkang umangkin rito sa kabila na ang founder nito ay ang lolo ng pamilya ni Nolasco ngunit sa huli ay naipanalo sa korte hanggang mabawi ang kontrol dito upang lalo pang palaguin.
Aminado si Nolasco na hindi madali ang magpatakbo ng isang paaralan lalo na’t mayroon pa silang isang branch sa Maynila ngunit dahil sa patuloy na suporta at tiwala sa kanila ng bawat mag-aaral at mga magulang ay patuloy na tumatatag ang institusyon.
Ibinunyag ni Nolasco na kailangan nilang sumunod sa patakaran ng Commission on Higher Education (CHED) na 80 porsiyento ng kabuuang nagtapos na Marino sa kanilang paaralan ay dapat makasakay sa barko o makapasok sa trabaho sa loob nang isang taon.
Kaya nagpapasalamat si Nolasco sa mga Maritime at Shipping companies na patuloy nilang ka-partner at nagtitiwala sa bawat mag-aaral na naging produkto nila.
Naniniwala si Nolasco na bagamat wala silang masyadong advertisement, ay nanatili ang pagkilala sa kanila dahil sa word of mouth na ikinukuwento ng isang nagtapos na mag-aaral sa kanyang kaibigan o kapitbahay. Ito ang nagiging dahilan upang lalo pang dumami at tumaas ang kanilang enrollees kada taon.
Bilang pasasalamat, inihayag ni Nolasco na handa ang kanilang paaralan na makipagtulungan sa pulisya sa pamamagitan ng scholarship para sa mga anak ng pulis.
Ang PMMS ay mananatiling school for nautical science na kasalukuyang nag-aalok ng mga kursong Bachelor of Science in Marine Transportation, Bachelor of Science in Maritime Engineering, Bachelor of Science in Customs Administration, Bachelor of Science in Hospitality Management, Bachelor of Science in Tourism Management, Bachelor of Science in Office Administration, at Bachelor of Science in Entrepreneurship at Senior High School Program.
Hindi naitago ni Nolasco ang pagmamalaki na palaging nasasama sa mga topnotchers sa customs examination ang kanilang mga mag-aaral.
Naipagmalaki ni Nolasco na ang iba nilang mga guro ay produkto ng kanilang paaralan, ilan sa kanila ay sumakay muna nang ilang beses o kumuha muna ng karanasan at sa huli ay piniling magturo upang higit na maibahagi ang katotohanan ng buhay ng isang marino o nagtatrabaho sa karagatan sa kanilang mga estudyante. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com