PASIG CITY — Kinilala ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pambihirang tagumpay ni Carlo Biado, matapos nitong muling sungkitin ang kampeonato sa World 9-Ball Championship na ginanap kamakailan sa Jeddah, Saudi Arabia—ang kanyang ikalawa sa naturang prestihiyosong torneo.
Sa isang courtesy call na isinagawa sa Philsports Complex sa Pasig City, personal na iginawad ni PSC Chairman Richard “Pato” Gregorio ang Certificate of Recognition kay Biado, bilang pagkilala sa kanyang husay at ambag sa pagdadala ng karangalan sa bansa sa larangan ng bilyar.
Kasama sa seremonyang pagdiriwang ang ilan sa mga haligi ng Philippine billiards, kabilang sina PSC Commissioner Olivia “Bong” Coo, Filipino pool legend Francisco “Django” Bustamante, “The Godfather of Philippine Billiards” Aristeo “Putch” Puyat, 2023 Women’s World 10-Ball Champion Chezka Centeno, at ang walang kapantay na “Magician” Efren “Bata” Reyes.
Bilang bahagi ng pagkilala sa kanyang tagumpay, inanunsyo ni Chairman Gregorio na maghahandog ang PSC ng isang kumpleto at de-kalidad na billiard table set na itatala sa pangalan ni Biado. Ang nasabing set ay ipagkakaloob sa isang piling komunidad upang magsilbing inspirasyon at pamana ng kahusayan sa susunod na henerasyon ng mga batang bilyarista.
“Hindi lang ito tungkol sa tropeo o parangal,” ani Gregorio. “Ito ay tungkol sa pagbabahagi ng talento, disiplina, at inspirasyon sa ating kabataan—at si Carlo ay tunay na huwaran.”
Sa panayam matapos ang seremonya, ibinahagi ni Biado ang kanyang determinasyong patuloy na irepresenta ang Pilipinas sa mga darating na laban sa pandaigdigang entablado. Muling aalis si Biado ngayong Agosto upang lumahok sa Florida Open at US Open, dalawang malalaking kompetisyong inaabangan ng mga top players sa mundo ng bilyar.
Si Biado ay naging unang Pilipino na dalawang beses nagkampeon sa World 9-Ball Championship, una noong 2024 at ngayong 2025, isang tagumpay na nagpatibay sa kanyang pangalan bilang isa sa pinakamahusay na cue artists sa mundo.
Para kay Biado, ang tagumpay ay hindi lamang personal na panalo kundi alay sa buong sambayanang Pilipino. “Lagi kong bitbit ang bandila ng Pilipinas sa bawat laban. Sana ay makapagbigay ako ng inspirasyon sa mga kabataan na mangarap at magsumikap,” ani Biado. (HENRT TALAN VARGAS)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com