RATED R
ni Rommel Gonzales
BUKOD sa main cast members na pinangungunahan nina Rhian Ramos at JC Santos ay pinagkaguluhan din ang sikat na vlogger na si Steven Bansil sa red carpet premiere ng pelikulang Meg & Ryan.
May 3 million followers sa Facebook, 1.3 million sa Tiktok, 261,009 sa Youtube, at 254,000 sa Instagram, bukod sa fans ay nagpalitrato rin kay Steven ang ibang mga kasamahan sa panulat na mga follower ng content creator.
Si Steven ay may mga content sa kanyang sikat na vlog na nakabihis-babae, may mahabang (wig na) buhok, mahabang kuko at malalaking boobs (na prosthetics lamang o props) na isang office girl at may kaopisinang si Georgette na away-bati sila at crush na boss niyang si “Shir” (Sir) Mike.
Minsan naman, sa kanya pa ring vlogs ay kahera siya sa isang supermarket na masungit pero kapag guwapo ang customer ay bumabait.
Sa Meg & Ryan ay assistant sa liquor store na pag-aari ni Rhian ang papel niya, lalaki siya sa pelikula at hindi nakabihis babae.
Samantala, agaw-eksena sa pelikula ang beteranang aktres na si Ces Quesada bilang ina ni JC. May mga moment si Ces sa istorya na nagpapakita ng magandang relasyon ng mag-ina.
Noon pa man ay bilib na kami sa acting ability ni Ces pero muli niya kaming pinahanga sa Meg & Ryan. Magagada ang mga eksena nil ni JC na isa ring mahusay na aktor.
Muli, ipinamalas ni Rhian sa lahat na hindi lamang siya maganda at seksi, mahusay din siyang drama actress kaya for sure ay mas lalong naging proud sa kanya ang boyfriend niyang si Sam “SV” Verzosana dumalo rin sa premiere night.
Sumuporta rin sa gabing iyon ang aktor na si Jericho Rosales na kaibigan ng direktor ng pelikula na si Catherine Camarillo.
Mula sa Pocket Media Productions, Inc. at Pocket Media Films, palabas na sa mga sinehan ang Meg & Ryan sa August 6.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com