NAARESTO ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang pinaniniwalaang big time pusher sa ikinasang buybust operation sa isang open mall parking lot sa lungsod ng San Fernando, lalawigan ng Pampanga, nitong Martes, 29 Hulyo.
Nasamsam sa operasyon ang pitong sachet ng humigit-kumulang 700 gramo ng hinihinalang shabu mula sa suspek na kinilalang si alyas Satar, 26 anyos, tubong Lanao Del Norte, at sangkot sa paglaganap ng ilegal na droga sa nabanggit na lungsod.
Magkatuwang na isinagawa ang operasyon ng PDEA Calabarzon Special Enforcement Team 1 (RSET I) at PDEA Pampanga Provincial Office sa pakikipag-ugnayan sa City of San Fernando Police Station.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa section 5 (sale of dangerous drugs) ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na may parusang habambuhay na pagkakakulong, na isasampa laban sa suspek. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com