NAGWAKAS ang kalbaryong dinaranas ng isang ginang mula sa kaniyang asawa nang arestuhin ng mga awtoridad matapos niyang ireklamo ng pang-aabuso sa bayan ng Angat, lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat mula kay P/Cap. Jayson Viola, hepe ng Angat MPS, ang inarestong suspek ay isang 35-anyos na lalaking residente ng Brgy. Sulucan, sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat, nagsumbong ang 34-anyos na ginang mula sa Brgy. Taboc, kaugnay sa pisikal at verbal na pang-aabuso ng suspek.
Matapos matanggap ang reklamo, agad rumesponde ang mga tauhan ng Angat MPS at naaresto ang suspek dakong 11:45 ng gabi kung saan ay nakumpiska mula sa kaniya ang isang 9mm Pietro Beretta na may magazine at siyam na bala.
Napag-alaman na laging sinasaktan ng suspek ang kaniyang misis na sinasabihan pa ng masasakit na salita.
Bukod dito, nagdulot ng malaking takot sa biktima ang pagtutok ng baril sa kaniya ng suspek.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at inihahanda na ang mga kaukulang kaso na paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition) na isasampa laban sa kaniya.
Samantala, pinuri ni P/Col. Angel Garcillano, acting provincial director ng Bulacan PPO, ang mabilis na aksyon ng Angat MPS at muling iginiit ang paninindigan ng Bulacan PNP sa pagprotekta sa karapatan ng kababaihan at kabataan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com