PAGIGING pinakamalaking floodplain at taunang pagbaba ng water level gayundin ang tone-toneladang basurang bumabara sa mga estero ang natuklasang sanhi ng pagbaha sa Metro Manila, ayon sa mga siyentista.
Sa research na isinagawa ni University of the Philippines (UP) Prof. Mahar Lagmay at iba pa na may titulong “Street floods in Metro Manila and possible solutions” na nailathala sa Journal of Environmental Sciences, napag-alaman na ang madalas na pagbaha sa Kalakhang Maynila ay bunga ng topograpiya nito bilang pinakamalaking floodplain sa buong Filipinas.
Anila, isang isthmus ang Kalakhang Maynila sa pagitan ng Manila Bay at Laguna de Bai. Iisa ang major water catchment ang Marikina River Basin na may sukat na 535 square kilometers at walong maliliit na river sub-basins na may sukat na 683 square kilometers.
Sa sandaling umulan, tumatayong water outlets ang Marikina, Pasig, San Juan, at Tullahan rivers at ang tubig ay likas na dadaloy palabas ng Manila Bay at Laguna de Bai. Kung barado ng basura ang mga estero at drainage systems, hindi kinakaya ng mga pumping stations na agad-agarang ibuga ang tubig palabas patungong Manila Bay.
Sa nakaraang pagbaha, tinatayang 600 toneladang basura ang nagbara sa mga drainage systems sa buong Kamaynilaan na siyang naging sanhi ng malalang pagbaha, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Dahil sa kawalan ng sapat na urban planning, ginawang kalsada at tinayuan ng mga subdibisyon at gusali ang mga natural na daluyan ng tubig patungong Manila bay. Sa pag-aaral ng grupo nina Lagmay, ang mga lugar na ito ang kadalasang binabaha kapag may bagyo.
Isa rin dahilan ng pagbaha ay ang pagbaba ng lebel ng lupa o yaong tinatawag na “land subsidence.” Ayon sa pag-aaral, mula sa 22 hanggang 40 millimeters ang inilulubog ng lupang sumasakop sa Metro Manila taon-taon dulot ng ground water extraction na nagiging dahilan ng paglubog at soil compaction.
Bukod sa Metro Manila, kinakitaan din ng unti- unting paglubog ng lupa ang ibang siyudad sa mga bansang Indonesia, Mexico, China, at Amerika.
Sa panayam kay Lagmay, ang kawalan ng urban planning at ang taunang pagbara ng mga drainage systems bunga ng tone-toneladang basurang itinatapon sa mga estero ay masosolusyonan kung may tulungan ang mga mamamayan at ang pamahalaan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com