FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
DAHIL mistulang naging kalokohan lang ang boxing match nitong Linggo sa Rizal Memorial Coliseum, ang dalawang magkakontrang bida — sina Davao City Acting Mayor Baste Duterte at PNP Chief Gen. Nicolas Torre III — ay parehong naging kahiya-hiya.
Para kay Torre, sapat na ang pagka-game niya nang palagan ang hamon ng siga-siga kung magsalita na si Duterte. Pagkatapos magsusuntok sa mitts at mag-jogging sa ulanan, sapat na sana iyon para patunayan na handa siyang kumasa sa kahit anong laban.
Hindi na kinailangan pang rumampa siya sa ring, magsuot ng gloves para sa pagtataas ng kanyang kamay, sabay tanggap ng belt. Parang ginawa nang katatawanan ang sport ng boxing, na sa totoo lang ay may impluwensiya ng siyensiya. Naalibadbaran ang ilan sa naging pagtatapos. Para sa maraming Filipino na tutok sa balita ay purely performance politics lang naman.
Parehong batid ng DILG at ng PNP na hindi makasisipot si Baste dahil kumuha siya ng travel authority may isang buwan na ang nakalipas at kinailangang bumiyahe patungong Singapore nitong Hulyo 25. Nakadedesmaya lang na nakisakay din sa gimik maging si Secretary Jonvic Remulla, kaya nakita tuloy ng buong bansa kung paano nagmukhang pay-per-view clowns ang dalawang mataas na opisyal ng gobyerno.
Kaya ang tanging pakonsuwelo ay ang pondong nalikom mula sa kanilang paandar. Ang halaga, siyempre pa, ay nalikom na hiwalay mula sa pondo ng gobyerno at sa ilang oras na duty ng mga pulis na dapat sana ay nagpapatrolya sa lansangan upang magmanman sa mga kriminal kaysa magmukhang mga ekstra sa isang circus.
Para sa akin, walang nakapuntos isa man sa dalawang panig.
Si Torre, na nagsisilbi sa ilalim ng Marcos administration, ay nag-ala-undercard sa isang cheap na paandar na politikal.
Nabuking naman ang tunay na Baste: isang duwag na magaling lang sa satsat.
At sa lahat ng gimik na ito, walang kahit isa man na usaping importante para sa mga Filipino ang na-knockout.
Duterte rally
Sa loob ng maraming taon, ilang oras akong nagsusuri ng mga isinulat na balita bilang dating editor ng Tempo. Nasa 13 taon na akong retirado, pero hindi ko pa rin maiwasang mapansin ang mga klasikong halimbawa ng maling gamit ng quotation marks na nagpapabago sa konteksto ng balita.
May isa akong nakita sa isang popular na diyaryo nitong weekend: “Free Duterte Rally” — na, base sa pagkakasulat, ay maipagpapalagay na ang ibang rally para kay Duterte ay may bayad.
Dapat ay isinulat na: “Free Duterte” Rally — para malinaw na ang rally ay nananawagan ng pagpapalaya sa nakapiit na dating pangulo.
Malaki ang nababago sa kahulugan ng mga salita sa simpleng pagkakamali sa pagkakapuwesto ng quotation marks. O maaaring pasimpleng inilantad lang ang matagal nang usap-usapan — na hindi umano totoo ang mga nagra-rally para sa mga Duterte, o mga bayad nga ba sila?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com