SIPAT
ni Mat Vicencio
KAHIT saan anggulo tingnan at pagbali-baliktarin man ang sitwasyon, hindi maaaring ikompara si Senator Ronald “Bato” dela Rosa kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Lumalabas kasing inihahambing ni Bato ang kanyang sarili sa nangyari kay Digong na matapos arestohin at ipakulong sa The Hague, Netherlands tuluyan nang ‘nabulabog’ ang pamahalaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sabi ni Bato… “If they want to commit the same mistake again, then go ahead. They can do that. If they want to make another mistake, ‘yung ginawa nila kay Pangulong Duterte, napakalaking mistake ‘yun.”
Ayon kay Bato… “Sige lang, wala man akong problema d’yan. Gawin nila, gawin nila, anong gusto nilang gawin. Go ahead,”
Kamakailan, matatandaang sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na malamang sapitin ni Bato ang nangyari kay Digong dahil sa papel na ginampanan nito sa madugong ‘war on drugs’ ng nakalipas na administrasyon.
Pero ang problema kay Bato, mukhang nananaginip nang gising, wala sa reyalidad at hindi alam na napakalayo niya kung ihahambing kay Digong. Masasabing si Digong hanggang sa ngayon ay popular, may karisma at milyon-milyon pa rin ang masang sumusuporta.
Samantala si Bato, walang tanging maaalala kundi ang pahimas-himas sa makintab na ulo at pasigaw-sigaw habang namumulagat ang mata sa mga resource persons na humaharap sa kanyang committee hearing sa Senado.
Kaya nga, kung tuluyang huhulihin si Bato ng Interpol at PNP, siguradong hindi ito lilikha ng gulo at pagtutol sa taongbayan tulad ng nangyaring pag-aresto kay Digong na nabulabog ang pamahalaan at hanggang sa ngayon ay bangungot sa liderato ni Bongbong.
Isang malaking pagkakamali ang ginawang pag-aresto ng administrasyon ni Bongbong kay Digong. Hindi magwawakas ang kuwento ni Digong sa pananatili ng dating pangulo sa detention center ng ICC.
At lalong hindi magwawakas ang kuwento kung iuuwing bangkay sa Filipinas si Digong.
Paalala lang kay Bato, hindi mo ka-level si Digong. Mahinang nilalang ka lang!
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com