KASALUKUYANG nakararanas ng high tide ang lalawigan ng Bulacan na may taas na halos limang talampakan na dagdag na sanhi ng hanggang baywang at dibdib na baha sa ilang lugar.
Napag-alaman na umabot na sa 4.83 feet ang high tide sa ilang lugar sa Bulacan na mas mataas sa karaniwang dati ay dalawa hanggang tatlong talampakan lamang.
Ayon kay Manuel Lukban, disaster risk reduction and management officer ng Bulacan, ang high tide ay lalong nagpataas ng baha sa mga mababang lugar at sa taong ito ay pinakamataas nang naranasan sa lalawigan.
Sa kasalukuyan, ang mga bayan ng Hagonoy, Bulakan, Calumpit, Paombong, at Malolos ang pinakamaraming lugar na binaha dahil sa high tide na sinabayan pa ng patuloy na malakas na pag-ulan, at back flooding.
Dagdag ni Lukban, maaaring bumaba ang pagbaha sa mga susunod na apat hanggang limang araw ngunit hindi agad makalalabas ang tubig hanggang mataas ang antas ng high tide.
Sa kanilang recorded analysis ng high tide, ang 4.83 feet ngayong taon ang pinakamataas na naranasan na inaasahang unti-unting bababa sa mga susunod na araw.
Nagdeklara na ng state of calamity ang lungsod ng Meycauayan, Calumpit, Balagtas, Hagonoy, Paombong, Bocaue at Marilao sa gitna ng mga pagbaha at pinsalang dulot ng habagat at magkakasunod na bagyo. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com