HABANG patuloy na nararanasan ang epekto ng habagat na pinalakas ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong, agad na nagpatupad ng malawakang disaster response ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga apektadong Bulakenyo.
Sa ulat kahapon ng umaga, nasa kabuuang 188 evacuation centers na ang na-activate sa buong lalawigan, na kasalukuyang nagpapatuloy sa 6,041 pamilyang binubuo ng 19,638 katao mula sa mga lugar na lubhang binaha at iba pang mabababang bayan/lungsod.
Bilang tugon, patuloy na nagsasagawa ng relief operations ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pangunguna nina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro, na nauna nang nakapagpamahagi ng kabuuang 1,185 relief packs sa iba’t ibang evacuation centers sa mga bayan ng Paombong, Lungsod ng Malolos, at Marilao.
Pinaigting ng PDRRMO ang kanilang mga operasyon sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na CCTV monitoring para sa biglaang malakas na pag-ulan at pagtaas ng lebel ng tubig, pagtaas ng alert status ng Emergency Operations Center mula Blue sa Red, patuloy na pagbabantay sa lagay ng panahon sa lahat ng lungsod at munisipalidad, pakikilahok sa mga core group teleconference kasama ang mga nasyonal at lokal na ahensiya, tuloy-tuloy na weather forecasting upang matiyak ang napapanahon at wastong mga ulat, araw-araw na pagpapalabas ng weather advisories sa social media at mga katuwang na ahensiya, at pagpapatupad ng Incident Command System na may mga itinalagang Incident Management Teams sa mga apektadong lugar.
Sa isang emergency meeting na isinagawa kahapon, inatasan ni Fernando, bilang tagapangulo ng PDRRMC, ang PDRRMO at iba pang kaugnay na mga tanggapan at ahensiya na paigtingin ang pagbabantay sa lagay ng panahon, agad na magsagawa ng rapid damage assessment, at palakasin ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagtugon at mabilis na pagbangon.
Samantala, ayon sa ulat ng Provincial Agriculture Office kahapon, dakong 3:00 ng hapon, umabot sa tinatayang P85,635,423.81 ang pinsala sa agrikultura at pangisdaan sa buong lalawigan, na nakaapekto sa 1,870 magsasaka at 962 mangingisda, habang ang inisyal na ulat ng pinsala sa paghahayupan at manukan ay umabot sa P685,300.
Dahil sa kasalukuyang kalagayan, nagdeklara na ng State of Calamity ang mga bayan ng Calumpit, Balagtas, Paombong, at ang Lungsod ng Meycauayan na nagpapahintulot sa paggamit ng emergency funds, pagpapatupad ng price control, at lalo pang panaigting na rescue at relief operations.
Para sa mga karagdagang update, hinihikayat ang publiko na bisitahin ang mga opisyal na Facebook page ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, Daniel R. Fernando, at Bulacan Rescue, o tumawag sa mga sumusunod na emergency hotlines para sa agarang tulong: 911, (044) 791-0566, 0905-333-3319, at 0942-367-1455. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com