RATED R
ni Rommel Gonzales
GUWAPO, matikas, at dumaan noon sa pagiging teen matinee idol si Cris Villanueva.
Tinilian at halos sinamba ng fans, lalo na ng mga babae at gays, noong ‘80s, na miyembro pa si Cris ng sikat na teen-oriented show, That’s Entertainment ng yumaong Master Showman, German “Kuya Germs” Moreno.
Ngayon, in-demand na character actor si Cris, madalas ay tatay ng batang bidang karakter sa pelikula o telebisyon ang papel.
At sa kasalukuyan ay madalas maging isyu ang tungkol sa mga young star, hindi lahat, ilan sa kanila, na hindi marunong magbigay-galang o kumilala sa mga senior o veteran stars.
Si Cris ba, sa tanong namin, ay nakaranas ng senaryo na hindi siya o binati ng katrabaho na mas batang artista?
“Hindi ko na iniintindi ‘yung ganuoon,” pakli ni Cris.
“Basta ako feeling ko, kapag hindi nila ako nakikilala, okay lang.”
May paliwanag si Cris tungkol dito.
“Kasi naaalala ko noong baguhan din ako, talagang pinipilit kong alalahanin ‘yung mga mas beterano, para hindi ako masabihan ng ganoon.
“At napaka-stressful din niyon, ‘di ba?
“Parang kung minsan talagang hindi mo na sila napapanood, nagbalik galing sa ibang bansa tapos biglang sumalang, ‘yun pala beterano, so nakaka-stress din.
“So hindi ko na binibigyan ng problema ‘yung mga young star natin, na parang hindi nila ako nakikilala, okay lang.
“I mean, you know, sa akin kasi marami na rin namang siyempre talagang bagong-bago or ‘yung mga hindi talaga nanonood, biglang naging artista, hindi inabutan ang ‘That’s Entertainment,’ hindi naman nanonood ng mga palabas ko, so okay lang.”
Mapapanood si Cris sa pelikulang Meg & Ryan na tampok ang mga mas nakababatang artistang sina Rhian Ramos at JC Santos na ayon kay Cris ay parehong mabait at marespeto.
Ipalalabas ang Meg & Ryan sa mga sinehan sa Pilipinas sa August 6, 2025 at sa mga bansang Australia at New Zealand sa August 14, 2025.
Mula sa direksiyon ni Catherine O. Camarillo at sa panulat ni Gina Marissa Tagasa. Nasa pelikula rin sina Cedrick Juan, Ces Quesada, Jef Gaitan, at introducing naman sina J-mee Katanyag, Steven Bansil, Poca Osinaga & Alison Black.
Mula ito sa Pocket Media Productions. Inc. at Pocket Media Films.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com