
PINAGHIHINAY-HINAY ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ang Korte Suprema kaugnay sa pagkuwestiyon at pagtatanong sa mga mambabatas lalo na’t sa ilalim ng Saligang Batas ay mayroong tinatawag na co-equal branch of government.
Ayon kay Carpio walang karapatan ang Korte Suprema na tanungin ang bawat mambabatas na lumagda sa resolusyon na nag-impeach kay Vice President Sara Duterte kung nabasa ba nila at alam ang nilalaman ng resolusyon bago sila pumirma.
“The moment they signed, you give full faith and credit already that they read it. I mean you cannot ask each of every congressman who signed the resolution or signed the bill, did you read it when you signed it. I mean when you signed means you read it to the… you have it give full faith and credit to that. We don’t ask the member of the Supreme Court when they signed a decision, did you read the decision, no we don’t ask those questions anymore. I mean out of respect to our co-equal branch you don’t ask those questions anymore,” giit ni Carpio.
Tinukoy ni Carpio, sa paglagda ng mga mambabatas sa resolusyon ay nagpapakita sila ng kompiyansa, tiwala, at paniniwala sa kanilang nilagdaan.
Inihalimbawa ni Carpio na tulad ng mga desisyong ginagawa ng mga mahistrado at mga justices ng Korte Suprema at maging ng mga hukom, kailanman ay hindi kinukuwestiyon kung nabasa ba nila ang nilalaman ng desisyon at kautusan bago ito nilagdaan.
Aminado si Carpio na maaring manghimasok ang Korte Suprema kung mayroong isyung konstitusyonal.
Sinabi ni Carpio na ang usapin sa impeachment complaint laban kay Duterte ay kung nasunod ba ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nakapaloob sa batas na 10 session days bago tuluyang i-refer ang impeachment complaint sa Senado.
Aniya, nangibabaw ang Article 4 ng impeachment complaint dahil natabunan nito ang tatlo pang naunang impeachment complaint dahil sa 1/3 na lagda ng mga miyembro ng mambabatas na maliwanag na nakapaloob din sa Saligang Batas.
Ipinunto ni Carpio na katulad sa kaso ng Francisco vs Davide, sa kabila na may lagdang 1/3 ng mga mambabatas ang reklamo ng una laban sa huli ay naibasura ito dahil lumampas sa 10 session days na itinatakda ng Saligang Batas.
Dahil dito, sinabi ni Carpio na tanging ang gagawin ng mababang kapulungan, tulad ng kanilang sagot sa impeachment court, kanilang ilalatag ang petsa ng pagtanggap ng unang reklamo at kailan ito inilagay sa order of business na kailangan din sa ilalim ng batas at kung hindi nalabag ang 10-day session rules.
Kaugnay nito, hindi rin maaaring pag-usapan ang jurisdiction ng impeachment complaint hangga’t walang nagaganap na paglilitis. (HATAW News Team)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com