Isang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa Bulacan kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang sumukong rebelde na si alyas “Ka Rosa,” 66 anyos, at residente ng Brgy. Pitpitan, Bulakan, Bulacan, na dating kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na kumikilos sa mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga, Zambales, at Bataan.
Si Ka Rosa ay boluntaryong nagsadya sa 1st Provincial Mobile Force Company upang magbalik-loob sa pamahalaan, dala ang isang hindi lisensiyadong baril na Smith & Wesson cal. .38 revolver (walang serial number) at tatlong (3) bala.
Naisakatuparan ang kanyang pagsuko sa koordinasyon ng pinagsanib na pwersa ng 1st PMFC sa pamumuno ni P/Lt. Colonel Jerome Jay Sunga Ragonton, Malolos CPS, Bulacan PIU, 70th IB ng Philippine Army, at 301st MC ng RMFB 3.
Isinasailalim si Ka Rosa sa dokumentasyon at debriefing upang makatulong sa mga susunod na operasyon at nabigyan rin siya ng paunang tulong-pinansyal bilang bahagi ng reintegration program ng pamahalaan.
Pinuri ni PColonel Angel L. Garcillano, acting provincial director ng Bulacan PPO, ang hakbang ni Ka Rosa na aniya, ang bawat pagbabalik-loob ay isang tagumpay ng sambayanan kaya patuloy na suportahan ang mga dating rebelde na pinipiling tahakin ang landas ng kapayapaan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com