FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
MAY kakatwang nangyari nitong Linggo ng umaga: dalawa sa pinakatinatangkilik, at maituturing na mapagkakatiwalaang news organizations sa bansa, ang GMA News at The Philippine Star, ay parehong nag-post ng balita tungkol sa resulta ng awtopsiya sa pagpanaw ni Paolo Tantoco… at kalaunan ay pasimpleng binura ang mga iyon.
Poof! Bigla na lang naglaho na parang na-magic.
Pero, huli na ang lahat: kumalat na sa social media ang screenshots, nagsipag-repost ang netizens, may kani-kanyang resibo. Nag-trend pa nga ang headline ng GMA News: “LA County Medical Examiner says Paolo Tantoco died of ‘cocaine effects.’” Mas maingat naman ang headline ng Philippine Star: “LA autopsy reveals cause of Juan Paolo Tantoco’s death.” Pero naglaho ang parehong artikulo bago magtanghali — at napatanong na lang kami.
Konektado ba sa pambansang seguridad ang pagkakabura ng mga nasabing balita? Hindi naman. Hindi iyon tungkol sa nabuking na pang-eespiya, kundi isang may pinagbasehan, on-record na report mula sa opisina ng LA County Coroner, na tumukoy lang sa dahilan ng pagkamatay ni Tantoco: cocaine.
Posible bang hindi kombinyente ang balitang iyon para sa ilang ugnayan, negosyo, o ano pa man? May mga bulung-bulungan tungkol sa isang media executive na may kaugnayan sa pamilya Tantoco at sa isang puwersang politikal sa Kongreso na nakaiimpluwensiya sa pagbabalita ng media.
At siyempre pa, mayroong napabalita, nang biglaang pumanaw si Tantoco noong Marso, kasama umano siya sa entourage ng First Lady para sa isang Filipino film festival sa Amerika. Hindi kami nagsasabing may sabwatan, kundi may pinagbasehang public record.
Ang punto rito, kahit man lang base sa mga komento ng netizens, ay hindi lamang tungkol sa kaduwagan ng media outfits, kundi ng pagmamanipula sa kanila.
Ibinalita rin ang nasabing artikulo ng iba pang media, tulad ng Rappler, Daily Tribune, at Bilyonaryo. Maging ang Balita, ang Tagalog tabloid ng mas konserbatibong Manila Bulletin, ay nagawang maiulat iyon online. Pero hindi ng Inquirer.net? O ng mismong Manila Bulletin?
Noong unang panahon, ang “Big Three” ng Philippine journalism — Inquirer, PhilStar, Bulletin — ang sandigan ng katotohanan pagkatapos ng EDSA People Power. Sa ngayon, ang isa ay dinaig na ng agresibong kumita ng digital sister nito, ang isa ay binusalan ng sariling problema, at ang pangatlo, ipinaubaya na lang sa tabloid nito ang pagbabalita. An’yare?
Sa panig ng GMA, kapag ang motto ng inyong opisina ay naninindigan sa pagiging “Walang kinikilingan, walang pinoprotektahan,” hindi ka dapat nagbubura ng balitang may aktuwal namang basehan, huwag kokontrahin, huwag ie-embargo, at lalong-lalong huwag buburahin.
Noong Marso, nang unang napaulat ang tungkol sa pagkamatay ni Tantoco, ilang media ang nag-ulat nito — pero kaagad din pinagbubura. Marami nang nagtaas ng kilay noon, at ngayon, lalo lang marami ang nagkakaroon ng suspetsa.
Samantala, napapaisip naman ako — ngayong nakatakdang bumisita si President Marcos sa Amerika sa Hulyo 20 hanggang 22 — magiging bahagi kaya uli ng entourage ang kanyang First Lady?
Iyon ang nakagawian, siyempre pa. Pero importante ang konteksto. Ang pagkamatay ni Tantoco ay hindi na iyong dating inililihim na trahedya — isa na ito ngayong kaso na iniuugnay sa droga, sa isang opisyal na report, at sa serye ng pagbubura ng online news na hindi laging mananatiling lihim.
At huwag nating kalilimutan: ang mga imbestigador sa Amerika, hindi tulad dito sa atin, ay nakatutok sa pagtuklas sa katotohanan kahit pa may hindi kaaya-ayang mabunyag at lalo na kung may nangangamoy na cover-up.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com