SA KANILANG mabilis na pagresponde, agad naaresto ng pulisya ang isang lalaki matapos mamaril ng mga kainuman sa Brgy. Tibag, lungsod ng Baliwag, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado ng gabi, 12 Hulyo.
Ayon sa ulat na isinumite kay P/Lt. Col. Jayson San Pedro, hepe ng Baliwag CPS, lumabas sa inisyal na imbestigasyon at pahayag ng mga saksi na habang may nagaganap na inuman sa A. Mabini St., a nabanggit na barangay, nagkaroon ng komprontasyon kung saan isa sa mga biktima ang nanuntok sa suspek.
Dala ng kalasingan, agad na bumunot ng baril ang suspek at walang patumanggang nagpaputok, na nagresulta sa pagkasugat ng tatlong indibidwal.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek sakay ng isang Enduro-type na motorsiklo patungo sa direksyon ng Tibag-Sabang samantalang dinala ang mga biktima sa Castro Medical Hospital at Rugay Hospital upang malapatan ng medikal na atensiyon.
Dahil sa mabilis na pagkakakilanlan mula sa isang saksi, agad nagsagawa ng hot pursuit at dragnet operation ang mga tauhan ng Baliwag CPS kasama ang 2nd PMFC sa pamumuno ni P/Maj. Michael Santos, officer-in-charge.
Ilang minuto ang lumipas ay matagumpay na naaresto ang suspek sa kanyang tirahan kung saan narekober mula sa kaniya ang baril na ginamit sa krimen at ang getaway na motorsiklo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at inihahanda na ang kasong Frustrated Homicide na isasampa laban sa suspek habang pinuri ni P/Col. Angel Garcillano, acting provincial director ng Bulacan PPO, ang mabilis na pagresponde at kahusayan ng Baliwag CPS at 2nd PMFC. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com