NANAWAGAN ang 14 lisensiyadong online gaming operators sa Filipinas na maglatag o bumuo nang mas matalinong mga regulasyon para protektahan ang mga manlalarong Filipino kaysa ipagbawal ang legal na industriya na magbubulid sa pamamayagpag ng ilegal na merkado.
Sa nagkakaisang pahayag ng World Platinum Technologies Inc., AB Leisure Exponent, Inc., Total Gamezone Xtreme, Inc., Gamemaster Integrated, Inc., Lucky Taya Gaming Corp., Stotsenberg Leisure Park & Hotel Corporation, Igo Digital High Technology Inc., Megabet Corp., Gavin Ventures Inc., Gotech Entertainment Inc., Meta Interactive Software Solutions, Inc., Nextstage Entertainment Inc., Webzoid System Solutions Corporation, at Trojan Wells Entertainment Corp., sinabi nilang, “ang pagbabawal sa legal na online gambling ay pagsuko ng kinabukasan sa mas pinaigting na paglabag ng batas.”
Nagkakaisa at naninindigan ang mga lisensiyadong online gaming operator, ang Philippine Amusement and Gaming Corporation, at ang mga makabago at responsableng mambabatas sa panawagang lumikha ng mas mahigpit na regulasyon – at hindi ganap na pagbabawal – upang masiguro ang kaligtasan ng mga manlalarong Filipino, at mapanatili ang pag-usbong ng ekonomiya ng bansa.
Habang pinagdedebatehan sa Kongreso ang iba’t ibang panukala na naglalayong ipagbawal ang online gaming o limitahan ang mga daluyang pinansiyal kaugnay nito, nagbababala ang mga lehitimong operator na ang ganap na pagbabawal ay hindi magiging epektibo sa pagpigil sa mga Filipino sa paglalaro; bagkus, itutulak pa lalo nito ang milyon-milyong Filipino sa ilegal na merkado (black market), sa mga pamamamayagpag ng mga ilegal na operator.
Anila, hindi kayang burahin ng pagbabawal ang online gaming. Ang tanging binubura nito ay ang mga pananggalang na dapat sana ay magsisilbing proteksiyon sa mga Filipino.
“Malinaw ang katotohanan: magpapatuloy ang mga manlalaro sa paglalaro. Pipili lamang sila kung itutuloy nila ito sa mga lisensiyado at ligtas na plataporma na sumusunod sa mga regulasyon, o sa black market – sa mga ilegal na site na walang pananagutan.”
May mga umiiral nang pananggalang para sa kaligtasan
Kasalukuyan nang ipinapatupad ng lisensiyadong sektor ng online gaming ang ilan sa mga pinakamahigpit na proteksiyon sa Asya gaya ng mahigpit na Know-Your-Customer at multi-factor authentication; masinsing pagsusuri at pagsiguro na wala ang kahit na sino mang manlalaro sa National Database of Restricted Persons ng PAGCOR; pagtiyak na lahat ng manlalaro ay edad 21 anyos pataas; mga kasangkapan upang tanggalin ang sarili (self-exclusion tools), at pagmomonitor ng kilos na maaaring mapanganib o at risk; sumunod sa mga patakaran ng mga patalastas o advertisement at siguruhing walang mapanlinlang na mga pahayag; pag-ambag sa pambansang kita, paglikha ng mga trabaho, at pag-unlad ng teknolohiya.
Naniniwala ang mga responsableng online gaming operator na ang bawat pisong ginugol sa lisensiyadong plataporma ay sumusuporta sa mga pampublikong serbisyo – mga paaralan, ospital, at kalsada – at tumutulong na mapanatiling ligtas ang bawat pamilyang Filipino sa pamamagitan ng regulasyon.
Sa kabilang banda, ang bawat pisong ginugol sa ilegal na site ay perang ninakaw mula sa komunidad at dumederetso sa mga ilegal na operator na walang pakialam sa ating mga batas.
Mga aral mula sa mundo, lokal na realidad
Ipinupunto ng industriya ang mga aral mula sa mundo na nagpapatunay ng panganib nang ganap na pagbabawal. Sa 195 bansa sa buong mundo, 177 ang pumili na isailalim ang online gaming sa regulasyon. Ang natitirang 18 bansa, kasama ang North Korea, Iran, at Somalia ay mayroong mga ganap na pagbabawal, at walang nagtagumpay sa pagpigil sa underground o ilegal na gaming.
Noong 2006, nagkaroon ng pagbabawal sa Estados Unidos, bunsod nito nahikayat ang mga Amerikanong manlalaro sa mga offshore sites na hindi sumailalim sa regulasyon. Noong 2013, trinabaho ng Estados Unidos na gawing legal ang online gaming upang makontrol muli ang industriya, at nakapagbigay ito ng US$ 71.9 bilyong kita, at higit US$ 15 bilyong buwis.
Nakita rin ito ng mga bansang Sweden, Brazil, Colombia at Argentina: ang pagbabawal ay nagsisilbing mitsa ng mas malaking krimen; habang susi naman ang regulasyon sa pagkontrol at paggamit nito tungong pang-unlad.
Ang kaso ng Filipinas
Pareho ang kuwento ng mga numero sa Filipinas. Mula nang palawakin ang mga legal na online gaming platform at isailalim sa regulasyon noong 2022, umakyat mula P12.3 bilyon tungo sa P54 bilyon ang kinolektang license fees ng PAGCOR noong 2024. Ang pondong ito ay direktang napunta sa mga proyektong pambansa na pinakikinabangan ng bawat Filipino.
Umabot sa P112 bilyon ang kabuoang kita ng PAGCOR, at halos kalahati nito ay mula sa online gaming. Mahigit 50,000 Filipino ang nagtatrabaho na ngayon sa sektor, karamihan sa matataas at mahahalagang posisyon sa teknolohiya, cybersecurity, creative design, at artificial intelligence.
Babala ng mga lisensiyadong operator, ang hindi-pinag-isipang pagbabawal, o ang pag-alis ng mga lehitimong payment channel ay sisira sa mga tagumpay na ito, bubura sa libo-libong trabaho, at ibibigay ang buong merkado sa ilegal na mga site. Sa mga ilegal na espasyong ito, mawawala ang lahat ng proteksiyon ng mga manlalaro: hindi masisigurong edad 21 anyos pataas lamang ang makapaglalaro, walang seguridad sa data, walang suporta sa problematikong pagsusugal, at walang kontribusyon sa pambansang ekonomiya.
Panawagan para sa balanse at matalinong regulasyon
Imbes pagbabawal na magtutulak sa mga manlalaro na magtago, nanawagan ang industriya sa mga mambabatas na patatagin ang mga patakarang epektibo: maging mas mahigpit sa beripikasyon ng edad at identidad, linawin ang mga limitasyon para sa mga manlalarong at risk, patatagin ang mga pananggalang ng anti-money laundering, pabilisin ang pagsasara ng mga ilegal na site ng hindi lisensiyadong operator, at palawakin pa ang edukasyon ng mga mamamayan tungkol sa karapatan bilang manlalaro at responsableng paglalaro.
“Maging malinaw tayo: hindi kalaban ang online gaming na may maayos na regulasyon. Ang tunay na banta ay ang pag-usbong ng mga ilegal na operator na inuuna ang kita kaysa kapakanan ng mga Filipino. Hindi takot ang mga legal na operator sa mas mahihigpit na patakaran; ang katotohanan, malugod namin itong tinatanggap. Ang kinatatakutan namin ay ang pagsuko ng kinabukasan ng digital na espasyo sa ilegal na merkado. Ito ang mas delikado,” mariing pahayag ng grupo.
Anila, “habang abala ang mga bansang kapitbahay sa ASEAN gaya ng Singapore, Malaysia, at Vietnam sa modernisasyon ng kanilang mga regulasyon sa gaming upang higit na magkaroon ng mga investment at protektahan ang mga manlalaro, nanganganib ang Filipinas na maiwan kung paiiralin ang mga batas na nakabatay sa takot.
“Bubuwagin nang ganap ang pagbabawal sa isang industriyang napatunayan nang kayang lumikha ng trabaho, magpatatag ng teknolohiya, at maghatid ng bilyong pisong kita sa ilalim ng wastong pamamahala.”
Panawagan nila sa mga regulator, “huwag nang magbukas pa ng mga pinto sa paglabag ng batas. Panatilihing legal, panatilihing ligtas, at panatilihing tunay na Filipino ang industriya.”
Sa pamamagitan ng paglagda sa kanilang Opisyal na Pahayag, muling pinagtibay ng mga lisensiyadong online gaming operator ng bansa ang kanilang pangako na makipagtulungan sa pamahalaan, sa mga regulator, at sa mga komunidad upang matiyak na ang online gaming ay nananatiling ligtas, malinaw, at tunay na benepisyal para sa sambayanang Filipino.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com