FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
KUNG mayroon mang agad napanatili sa Gabinete matapos ang matapang na panawagan ni Marcos Junior ng malawakang resignation ng kanyang mga pangunahing alter-ego, iyon ay si Finance Secretary Ralph Recto. At ito ang dahilan: tiwala ang Presidente na kaya niyang igiya ang ekonomiya ng bansa patungo sa tinatawag na inclusive growth.
Pero kung nais ni Recto na makuha rin ang tiwala ng publiko, kailangang maging maingat siya sa kanyang mga ginagawa, lalo na pagdating sa mga polisiyang labis na nakaaapekto sa mga ordinaryong Filipino na hirap na hirap na nga sa aspektong pinansiyal.
Ang capital gains tax ay isa sa mga gastusing hindi pinapansin hanggang sa kailangan na rin itong singilin sa ‘yo. Binabayaran ito kapag ang isang tao ay nagbenta ng lupa, bahay, o anumang ari-arian na hindi bahagi ng kanilang negosyo. At sa unang bahagi ng taong ito, binalak na itaas ito, matapos ipanukala ni Recto na mula sa 6% ay itaas ito sa 10%.
Walang pinaghugutan ang panukalang ito ni Recto, na parang bigla na lang naisipan kahit pa parang dumbbell na bumagsak sa ulo ng milyon-milyong Filipino na property owners. Bakit, ‘ika n’yo?
Well, mas madalas kaysa hindi, ang “gain” na iyon ay ginagastusan matapos pumanaw ang isang magulang at nagpamana ng bahay ng pamilya. Sa gitna ng pagluluksa at maraming ginastos sa pagpapalibing, haharapin ng pamilya ang isa pang pagsubok — ang buwis ng simpleng napamanahan lang ng ari-arian na karapat-dapat lang naman sa kanila.
Ang panukala ni Recto ay nakapaloob sa draft law na tinatawag na GROWTH bill — pinagsama-sama ang capital gains, donors, at estate taxes sa isang malakihang pagtaas simula 2025 hanggang 2030. Sinabi ng gobyerno na kokolekta ito ng hanggang P300 bilyon mula rito. Pero sino ang mapupuruhan?
Sa una, kompiyansa pa ang finance chief sa pagsasabing ang mga bagong tax hike “ay hindi makaaapekto sa masa” dahil hindi naman consumption tax ang mga ito. Ang hindi niya binanggit, gayonman, ay mga Filipino middle class, kung hindi man ang milyon-milyong kayod-kalabaw para makapagpundar ng sariling bahay, ang kanilang pinupuntirya.
Gaya ng inaasahan, nagdulot ito ng galit sa marami kaya pagsapit ng huling bahagi ng Abril, biglang-kambiyo si Recto. Kinailangan nilang lumiham sa Kongreso upang kanselahin ang panukala. Pero nagdulot na agad ito ng negatibong epekto — at, sa aking palagay, isang bagay din ito na nagpahamak sa tsansang manalo ng maraming pambato ng administrasyon noong midterm polls. Napaso ang taong bayan, e!
Sobra-sobrang pahirap na ang dulot ng inflation, nagkandagula-gulanit na ang wallet ni Juan dela Cruz sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Junior para makayanan pa ang mga sorpresang buwis na ganito.
Maging ang CREBA — ang Chamber of Real Estate and Builders’ Associations — ay umalma rin. Ang kanilang posisyon? Ang pagtataas ng capital gains tax ay magreresulta sa:
Mas mataas na presyo ng bahay at lupa – ang CGT ay isang pass-on tax. Mas malaki ang gastos ng nagbebenta = mas malaki ang bentahan sa bibili.
Lalala ang kakapusan sa pabahay – Iiwasan ng mga developer ang merkado ng low- hanggang middle-income housing.
Mayayanig ang ekononiya – Suportado ng real estate ang 85 iba pang industriya. Sakalin nila ang isa sa mga ito at mahihirapan din huminga ang iba pa.
Matatakot ang mga investor – takot ang mga lokal at dayuhang investors sa epekto ng mas mataas na buwis.
Magmamahal ang mga bilihin – kahit ang pinakamalalakas ang loob na developers ay tiyak nang ipapasa sa consumers ang dagdag gastos nila.
Mas magastos ang impraestruktura – ang lupa para sa mga kalsada, tulay, at riles? Mas mahal na ngayon — at taxpayers na naman ang napuruhan.
Maaaring kumambiyo na si Recto — sa ngayon. Pero makabubuting maging mapagmatyag ang publiko. Dahil kung mayroon mang isang bagay na mahusay ang finance secretary na ito, iyon ay ang pagsusulong ng mga buwis na para bang ga-candy lang ang magiging epekto nito sa tao.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com