SUGATAN ang isang lalaki sa sumiklab na sunog na ikinatupok ng tahanan ng 25 pamilya sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling araw.
Nasa maayos na kalagayan ang biktima na may pinsala ng lapnos sa balat at sinabing residente sa tahanang pinagmulan ng sunog.
Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na dakong 4:28 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa tahanang matatagpuan sa kanbto ng mga kalyeng Basilio at Florentino sa Sampaloc.
Ayon sa mga bombero, nasa anim na tahanan ang tinupok ng apoy, na umabot sa ikalawang alarma at naapula 6:35 ng umaga.
Tinataya ng mga awtoridad, aabot sa P300,000 ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy. Samantala, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na sinadya ang sunog pero kasalukuyan pa nila itong sinisiyasat.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com