DINAKIP ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bataan Provincial Office ang dalawang pinaniniwalang mga tulak na sangkot sa pagbebenta ng hinihinalang shabu sa lalawigan ng Bataan nitong Sabado, 14 Hunyo.
Inaresto ang dalawang suspek kasunod ng isinagawang buybust operation dakong 3:40 ng hapon kamakalawa, sa Brgy. Townsite, sa bayan ng Limay, sa nabanggit na lalawigan.
Kinilala ng hepe ng PDEA Bataan ang mga naarestong suspek na sina alyas Jojo, 47 anyos; at alyas Jess, 48 anyos, kapwa mga residente sa Mariveles, Bataan.
Nakompiska ng mga ahente ng PDEA ang hindi bababa sa 50 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P340,000, at ang buybust money na ginamit ng poseur buyer.
Nabatid na bultohan kung magbenta ng shabu ang dalawang suspek kung saan ang kanilang operasyon ay sumasaklaw hanggang sa mga karatig-bayan ng Limay, Bataan.
Isinagawa ang operasyon sa pagtutulungan ng PDEA Bataan Provincial Office, Bataan PPO Drug Enforcement Unit, at Drug Enforcement Unit ng Balanga CPS.
Pansamantalang ikukulong ang mga nahuling suspek sa PDEA jail facility sa lungsod ng San Fernando, lalawigan ng Pampanga.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs), kaugnay ng section 26B (conspiracy to sell), ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com