YANIG
ni Bong Ramos
LUBOS na nagpapasalamat kay Yorme Isko Moreno ang hanay ng mga vendor sa Maynila, bakit ‘ika mo?
Ang pagpapasalamat ay bunga ng pangako sa kanila ng nagbabalik na Alkalde ng lungsod ng Maynila na sila ay makapagtitinda na ng kanilang kalakal kung siya ay mahahalal muli.
Ang pangakong ito ay naganap noong kasalukuyang nangangampanya si Isko at nakaharap nila nang personal sa isang caucus.
Pinahahalagaan nila ang binitiwang salita ni Yorme at labis na umaasa dahil siya ay ‘lalaking’ kausap.
Hindi pa man pormal na nakaupo sa kanyang tungkulin, inaasam na ng mga vendor ang muling pagti-tinda nila ng kani-kanilang kalakal sa lungsod ng Maynila.
Si Yorme ay pormal na manunungkulan bilang Alkalde ng Maynila sa 1 Hulyo 2025 pagkatapos ng kanyang inagurasyon na gaganapin sa 30 Hunyo 2025.
Ang mga sidewalk at street vendor ay labis na nananabik sa bagong kabanata ng kanilang pamumuhay na naging masalimuot daw noong
nakalipas na administrasyon.
Ayon sa ilang mga reliable sources, magaganap daw ang inaasam ng mga VENDOR ngunit sa disiplinado, malinis, at sistematikong pamamaraan.
Dapat ay alam nila ang kanilang limitasyon at hindi dapat maging balagbag sa kanilang kilos at aksiyon.
Sa kabila ng lahat, pananatlihing bukas sa trapiko ang mga pangunahing kalye tulad ng C.M. Recto Avenue, Divisoria, Blumentrit, Plaza Miranda, at ilan pang kalsada sa Quiapo at Sta. Cruz area.
Ang hanay umano ng mga vendor ay pamamahalaan ng Hawkers, mga itinalagang anti-vending official at mga pulis na nakadetine sa kanilang nasasakupan.
Sinabi ng mga vendor na magulo raw ang naging sistema noong nakaraang administrasyon na sandamakmak na tao ang humihingi sa kanila ng tara.
Nandoon na raw ang ilang chairman na aso ng
ilang politiko, ilang departamento sa city hall, ilang pulis at higit daw sa lahat ang pakikialam mismo ng ilang politiko.
Sa mga politiko at mga tao nila napupunta halos ang kanilang kinikita sa araw-araw.
Harinawa’y maging sistematiko na at nawa’y maging maayos na ang kalakaran at ikutan sa pamamalakad ng nagbabalik na Alkalde ng lungsod ng Maynila na si Yorme Isko Moreno.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com