
PINAG-AARALAN ni bagong Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III na paikliin ang oras ng duty ng mga pulis, lalo sa mga lansangan at komunidad.
Ayon kay Torre, ikinokonsidera niyang gawing walong oras na lang ang shift ng mga pulis na nakatalaga sa mga lansangan at komunidad, kompara sa kasalukuyang 12-oras na umiiral ngayon.
Paliwanag ni Torre, layunin ng mas maikling oras ng duty na masegurong may sapat na pahinga ang mga pulis para manatiling handa sa mga insidente, lalo sa urban centers ng Metro Manila.
Dagdag ni Torre, personal siyang magmo-monitor sa radyo upang masiguro na hindi nakatutulog ang mga pulis sa kanilang mga mobile car o community precinct habang naka-duty.
Matatandaang una nang inihayag ni Torre na target niyang ipatupad ang “three-minute response time” sa lahat ng lungsod sa buong bansa.
Samantala, sinabi ni Torre na tatanggalin na niya ang mga Police Community Precint (PCP) na hindi aktibo o walang naiiwang pulis.
Aniya, mas kailangan ang mga pulis sa lansangan at hindi sa PCP na nagiging tambayan at pahingahan ng mga pulis.
“Paiiralin natin ang ‘city that never sleeps’,” dagdag ni Torre. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com