OPISYAL nang iprinoklama sina kasalukuyang Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alexis C. Castro sa muling halal na gobernador at bise gobernador ng lalawigan ng Bulacan matapos ang kanilang landslide victory sa 2025 midterm elections.
Ang Provincial Board of Canvassers (PBOC) na binubuo nina Vice Chairman at Chief Provincial Prosecutor Ramoncito Bienvenido T. Ocampo, Jr., Chairman at Provincial Election Supervisor Atty. Mona Ann T. Aldana-Campos, at Schools Division Superintendent ng SDO Bulacan na si Norma P. Esteban, ang opisyal na nagproklama sa dalawang pinakamataas na opisyal ng lalawigan sa isinagawang seremonya sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, Lungsod ng Malolos, kasunod ng pagtatapos ng canvassing ng mga boto.
Nakakuha si Fernando ng kabuuang 1,117,893 boto, habang si Castro naman ay nakalikom ng 1,360,020 boto mula sa 20 bayan at apat na lungsod ng Bulacan, batay sa tala 12:35 ng tanghali kamakalawa.
Nagpasalamat si Fernando sa mga Bulakenyo, nakatakdang manungkulan sa kanyang ikatlo at huling termino, sa muling pagtitiwala sa kanya upang pamunuan ang lalawigan sa pinakamataas na posisyon.
Samantala, nagpahayag din si Bise Gobernador Castro, na muling nahalal para sa ikalawang termino, ng kanyang pasasalamat at muling tiniyak ang kanyang dedikasyon sa tapat at makataong paglilingkod.
Sa mga nakalipas na taon, pinangunahan nina Fernando at Castro ang mga makabuluhang reporma at programa sa kalusugan, edukasyon, impraestruktura, kahandaan sa sakuna, at mabuting pamamahala—mga patunay ng matibay na suporta ng mga Bulakenyo sa kanilang pamumuno at pananaw para sa lalawigan.
Dumalo sa proklamasyon ang kanilang mga kaanak, lokal na opisyal, pinuno ng mga tanggapan, tagasuporta, at mga kinatawan mula sa Commission on Elections. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com