NAHINTAKUTAN ang ilang residente na nasasakupan ng isang barangay matapos pasukin ng mga armadong kalalakihan ang headquarters ng tumatakbong bise alkalde sa Bustos, Bulacan kamakalawa ng gabi, bisperas ng halalan.
Sa ulat, nabatid na pinasok ng anim na armadong kalalakihan, nakasuot ng mga media uniform, ang headquarters ni re-electionist vice mayor Martin Angeles ng Bustos, Bulacan.
Bukod sa pakilalang mga mediamen ay nagpakilala pang mga taga-Comelec ang anim na lalaki kasama ang isang sinasabing retired police official.
Nakunan ng video ang insidente at makikita sa video footages na kumakalat ngayon sa social media, sapilitang pinasok ng grupo ang headquarters ni Angeles at tinakot ang mga watchers na nagsasagawa ng seminar para sa eleksiyon kinabukasan, 12 Mayo 2025 sa nasabing lugar.
Upang maging kapani-paniwala na sila ay nasa hanay ng media, nagpakita pa ang mga suspek ng mga pekeng media ID bukod sa sila umano ay konektado rin sa Comelec.
Sinasabing isa sa mga suspek ay tauhan sa isang munisipalidad sa Bulacan na nakunan sa cellphone video na makikitang nakikipagkompronta sa grupo ni Angeles.
Kasunod nito, kaagad na ipinatala ng pamilya ni Angeles sa barangay at sa pulisya ang pangyayari na ngayon ay nagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Panawagan ni Angeles sa Comelec at sa Bulacan PNP na masusing imbestigahan ang insidente na ngayon lang niya na-encounter sa panahon ng pagpasok niya sa politika. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com