HALOS 33 katao ang naaresto sa magkakahiwalay na insidente sa mga lalawigan ng Nueva Ecija, Pampanga, at Tarlac dahil sa paglabag sa umiiral na liquor ban na ipinatupad simula Linggo, 11 Mayo 2025.
Ang mga naaresto ay nahaharap sa mga kaso ng paglabag sa Commission on Elections (Comelec) Omnibus Election Code Resolution No. 11057, na inihain sa korte para sa kaukulang legal na proseso.
Ayon kay Police Regional Office 3 Director, P/BGeneral Jean S. Fajardo, “Ang mahigpit na pagpapatupad ng liquor ban ay bahagi ng ating seguridad para sa isang mapayapa at maayos na halalan. Hindi natin papayagan na ang pag-inom ng alak ay makaapekto sa kaayusan at katahimikan ng ating mga pamayanan sa panahong ito.”
Ipinaliwanag ni P/BGeneral Fajardo na ang 48-oras na liquor ban ay nagsimula noong hatinggabi ng Mayo 11 at magtatapos sa ganap na 11:59 ng gabi ng Mayo 12 na saklaw ang pagbabawal sa pagbebenta, pagbili, at pag-inom ng nakalalasing na inumin.
Patuloy ang panawagan ng PRO3 sa publiko na makiisa sa mga umiiral na regulasyon upang masiguro ang ligtas, maayos, at mapayapang halalan sa buong rehiyon. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com