AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
TABLADO kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sina senatorial candidates Senator Imee Marcos at Deputy Speaker Camille Villar kahit dati na silang inendoro ni Vice President Sara Duterte.
Ang sabi ng dating Pangulo, ang kandidato lang niya ay ang “Duter10.”
Ang gulo naman kasi ng mag-tatay at sino ba talaga kina Digong at Sara ang susundin ng mga tao nila? Ang ama na nakakulong sa The Hague o si Sara na nahaharap sa sangkaterbang isyu (kabilang na rito ang impeachment)?
Headless chicken na yata talaga ang oposisyon at tila kanya-kanya nang galawan.
Maging si Senator Robin Padilla, ang PDP Laban president, ay nagsingit din ng endoso kina ex-Senator Gringo Honasan, Senate Majority Leader Francis Tolentino, at maging kay Imee.
May balita-balita na nag-leave sa group chat si Robin dahil kinuyog siya ng mga kapartido niya dahil sa kanyang ginawang pag-endoro labas sa PDP Laban.
Ayon sa parehong abogado at PDP Laban senatorial candidates na sina Raul Lambino at Jimmy Bondoc, ang nominasyon at endoso ng partido ay dumaan sa proseso kung kaya’t hindi katanggap-tanggap ang pag-entrada na lang basta ng iba.
Ang kagulohan sa hanay ng oposisyon ay indikasyon lamang na wala nang tumitimon dito at wala nang nagbibigay ng iisang kumpas.
May mga naghihinala na ang pag-endoso ng mga kandidato ni Sara ay dahil kailangan niya ang numero sa Senado sa panahon ng impeachment trial. Pinabulaanan naman ito ng bise.
Kawawang Imee at Camille dahil mukhang hindi rin tatalab ang pag-endoso ng Bise Presidente sa dalawa ngayong diniinan na ni Digong ang Duter10.
Saan na ngayon pupulutin sina Imee at Camille?