RATED R
ni Rommel Gonzales
KAY Nora Aunor daw natutunan ni Judy Ann Santos ang pagpapakatotoo sa sarili, pati na rin ang kahalagahan ng kababaang-loob gaano man kataas ang marating ng isang artista sa industriya ng showbiz.
“Ang sinabi lang naman niya, mahirap ang industriyang ito, pero hangga’t mabuti at mababa ang loob mo, wala kang magiging mali.
“O kung may pagkakamali ka man, aminin mo.
“Mamahalin ka ng tao hanggang dulo.
“‘Yun ang pinakanaaalala ko kay Ate Guy. Kung totoo ka, walang magiging problema. Problema na ng ibang tao na hindi totoo sa iyo.”
Ayon pa rin kay Judy Ann, malaki ang utang na loob ng industriya sa namayapang superstar dahil ito ang sumira sa paniniwala noon na ang bidang artistang babae dapat ay mestisa at matangkad.
Ang pumanaw na national artist din ang nagbukas ng pinto para sa maraming kababaihang tulad niya na maging artista.
“I think wala naman kailangang words para kay Ate Guy. Her name alone stands, her name alone will be remembered, her legacy.
“I think sa lahat naman sa atin, alam natin na ang iniwan ni Ate Guy ay ang kahusayan sa pag-arte.
“Lahat naman tayo, bilang tao, ay may pinagdaanan, good and bad. But then again, she remained to be a superstar and to be a true and honest star.
“Marami lang talagang pinagdaanan, pero nalampasan niya. I think napakalaking example niyon, eh. You really have to take care of yourself.
“Ang laki ng naitaguyod niya. Dahil sa kanya, napalawak niya ang industriya ng show business.
“Pinalawak niya talaga.
“Gumawa siya ng daan para sa amin na hindi siya perfect, pero ‘yung mga naabot… nagkaroon ng pangarap ang maraming tao dahil sa kanya.
“So, I think that alone is her legacy to remember.”
Labis-labis ang pasasalamat ni Judy Ann kay Ate Guy sa naging kontribusyon nito sa industriya at inspirasyon sa mga artista.
“Kapareho ng sasabihin at sinasabi ng maraming tao, maraming salamat. Maraming salamat dahil ‘di naman magiging buo ang industriya ng show business kung wala ang pangalan ni Ate Guy, at wala siya sa industriyang ito.
“Kumbaga, baka wala rin kami kasi, ‘di ba, tinanggal niya ‘yung hulmahan, nakapasok kami.
“Marami, maraming nabuong pangarap dito.
“Maraming gumanda ang buhay dahil sa kanya.
“Everybody’s proud about that, alam ko na nakangiti si Ate Guy ngayon, knowing na hindi siya makakalimutan ng mga tao.”