
ni ALMAR DANGUILAN
SINIBAK sa puwesto ang sampung pulis ng Quezon City Police District (QCPD) nang madiskubreng ibinangketa o hindi isinuko ang mga nakompiskang marijuana sa limang sugarol na inaresto sa isinagawang Oplan Galugad sa lungsod sa bisperas ng Semana Santa.
Batay sa ulat, nasa restrictive custody ngayon ang 10 operatiba mula sa Holy Spirit Police Station 14, kasunod ng viral post hinggil sa ‘iregular’ na ikinasang Oplan Galugad noong 12 Abril.
Una nang iniulat ng PS 14 ang pag-aresto sa limang lalaki dahil sa ilegal na sugal.
Gayonpaman, nitong Martes, (Abril 22), natuklasan na ang nakompiskang handbag na may lamang hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana ay hindi naidokumento, naimbentaryo, o nai-turnover sa crime laboratory.
Hindi binanggit sa ulat kung ilang gramo o kilo ang nakompiskang marijuana mula sa mga suspek.
Hindi rin umano sinampahan ng kaso ang mga nadakip ng paglabag sa ilalim ng RA 9165, kaya naman nahaharap sa kasong neglect of duty and grave misconduct ang 10 pulis.
Ang lahat ng sangkot na pulis ay tinanggal sa kanilang mga puwesto, dinisarmahan at itinalaga sa District Personnel and Holding Admin Section ng QCPD.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) para sa imbestigasyon at pagsasampa ng naaangkop na mga kasong kriminal at administratibo ang 10 pulis ng QCPD. (ALMAR DANGUILAN)