NAIS ni Bulacan Governor Daniel Fernando na magbitiw na sa kanilang puwesto ang provincial jail warden ng Bulacan at ilang jail guards o harapin na masuspinde sila dahil sa maanomalyang aktibidad sa nasabing piitan.
Ayon sa gobernador, inatasan niya ang Provincial Legal Office at ang Provincial Administrator na magsagawa ng imbestigasyon at magpatupad ng preventive suspension sa mga jail personnel na sangkot sa insidente.
Ipinaliwanag ni Fernando na agad ipatutupad ang suspension order kapag inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang legal opinion nito tungkol sa nasabing isyu.
Samantala, sinabi ni Atty. Mona Aldana-Campos, provincial Comelec supervisor ng Bulacan, ilalabas nila ang legal na opinyon tungkol sa nasabing issue sa darating na araw.
Nabunyag ang maanomalyang isyu sa piitan matapos mahuli ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang preso, isang jail guard, at ang asawa ng isa sa mga preso sa isang residential area sa lungsod ng Malolos noong 13 Abril.
Napag-alamang ang dalawang preso na tinaguriang ‘preso caballeros’ ay malayang nakapaglalabas-masok sa Bulacan Provincial sa lungsod ng Malolos na ineeskortan pa ng jail guard kasabwat ang asawa ng isang detainee.
May mga ulat na iniimbestigahan kung sangkot rin ang apat sa iba pang krimen o kung ginamit sila ng ilang politiko upang magsagawa ng krimen sa Bulacan at mga karatig-probinsiya. (MICKA BAUTISTA)