Sunday , May 11 2025
Aksyon Agad Almar Danguilan

Hustisya sa kuwaresma hatid ng PNP sa pamilya Que-Pabilio

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

TUWING kuwaresma ang lahat ay nagpapahinga, nagbabaksyon, nagninilay, etc…dahil walang pasok para sa paggunita sa paghihirap ni Kristo Hesus sa kalbaryo para sa kaligtasan ng sanlibutan.

Kung ang nakararami ay nagninilay, etc.,  huwag sana natin kalimutan na sa panahon ito, Huwebes at Biyernes Santo hanggang Pasko ng Pagkabuhay, na nandiyan pa rin ang PNP — hindi nagpapahinga upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan ng bansa.

Nakabakasyon man ang lahat — 24/7 pa rin nagbibigay ng proteksiyon ang PNP na pinamumunuan ni Police General Rommel Francisco D. Marbil sa publiko. Hindi lamang ang para seguridad ang pinagkakaabalahan ng pulisya sa tuwing holiday(s), kung hindi tuloy rin ang kampanya laban sa kriminalidad.

Heto nga sa panahon ng kuwaresma, nakapaghatid  ang PNP ng hustisya para sa dinukot at pinaslang na steel magnate na si Anson Que o Anson Tan at sa driver niyang si Armani Pabilio nang maaresto ang tatlo sa mga salarin bunga ng follow-up operation sa pamamagitan ng binuong Special Investigation Task Force Group na pinamumunuan ni PNP Chief of Directorial Staff Lt. Gen. Edgardo Okubo habang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na pinamumunuan ni PMaj. Gen. Nicolas Torre III ang manguna sa imbestigasyon at mga operasyon.

Iyan ang tamang desisyon ni PNP Chief, ang manguna ang CIDG sa operasyon para agarang ikalutas ng krimen. E sino ba ang Hepe ng CIDG? Hindi naman lingid sa kaalaman ng buong bansa ang kakayahan ni CIDG Director Maj. Gen. Torre  III.

Heto nga — maikokonsidera nang lutas na ang pagdukot at pagpatay kina Que at Pabilio makaraang madakip ng tropa ni Torre at iba pang operational unit ng PNP ang tatlo sa mga suspek habang tinukoy na rin ang iba pang kasabwat at patuloy na hinahanting ng tropa ni Torre.

“Ang lahat ay nagtrabaho rito, may kanya-kanyang kontribusyon. Talagang tinutukan namin ang kaso. Walang baka-bakasyon. Nakuha ang mga suspek sa magkakahiwalay na operasyon. After the inquest proceedings, magbibigay ng press briefing si Gen. Fajardo (PNP spokesperson/PRO 3 Regional Director),” pahayag ni MG Torre III nang makapanayam natin sa telepono nitong Sabado, 19 Abril 2025.

Nadakip nitong 18 Abril, Biyernes Santo, sa Roxas, Palawan sina Ricardo Austria David at Reymart Catequista habang ang Chinese national na si David Tan Liao, isa sa mga principal suspek ay sumuko sa Kampo Crame.  Hinahanting pa ang dalawang Chinese national na kapwa principal suspek din sa krimen.

Nalutas ang kaso sa isinagawang backtracking ng mga CCTV kung saan maaaring dumaan ang dalawang biktima bago ang krimen. Natunton ng pulisya  ang isang bahay sa Meycauayan, Bulacan kung saan nagtungo si Que at drayber nitong si Pabilio noong Marso 29, 2025 sakay ng kulay itim na Lexus. Nagtungo si Que sa lugar dahil may kakausapin (business meeting) pero iyon pala ay isang pain na ng mga suspek.

Sa nasabing bahay din itinago ang dalawa at hiningan na ng kidnappers ng ransom money na $20 milyon (₱1,133,890,000.00) ang pamilya Que na nakapagbigay ng P200 milyon. Abril 8, 2025, pinatay sa sakal ng mga kidnapper sina Que at Pabilio at saka itinapon sa Barangay Macabud sa Rodriguez, Rizal.

Sa bisa ng search warrant ay pinasok ng TF ang bahay sa Meycauyan at narekober dito ang mga ebidensiya – mga sapatos ni Que gayundin ang sapatos ni Pabilio. Nakuha rin ang mga kulay orange na nylon cord na ipinangsakal sa mga biktima.

Oo, hindi pa man nakuha ang lahat ng salarin, masasabi na rin lutas na ang krimen  pero hindi ibig sabihin na hanggang dito na lamang ang operasyon ng tropa ni MGen. Torre III at iba pa. Tiyak na makukuha rin nila ang mga nakalalaya pa. Alam naman natin kung gaano magtrabaho si Torre, hindi iyan titigil hanggang tuluyan makuha ang lahat ng sangkot.

Samantala, ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ay nagpaabot ng taos-pusong pagkilala sa mga pulis na tumulong sa kaso.

Kinikilala rin ng VACC ang estratehikong direksiyon na ibinigay ni PGen. Marbil, na ang mga desisyong may paninindigan at dedikasyon ay naging mahalagang bahagi sa pagsulong ng kasong ito.

“Lubos naming pinahahalagahan ang pagpapanumbalik ng tiwala at kompiyansa ng publiko sa ating mga pulis, na siyang pundasyon ng ating sistemang pangkatarungan. Sa ngalan ng sambayanang Filipino, taos-puso kaming nagpapasalamat sa inyong serbisyo bilang mga tagapangalaga ng katarungan,” pahayag ng grupo.

About Almar Danguilan

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Benhur Abalos: Lumalakas sa survey, may malinaw na plataporma

AKSYON AGADni Almar Danguilan SA PINAKAHULING Social Weather Stations survey, si dating Department of the …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mapayapa at maaayos na NLE25, puntirya ni QCPD OIC Col. Silvio

SA LUNES NA, Mayo 12, 2025, daragsa sa mga polling precinct amg milyon-milyong botante upang …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Endoso ni VP Sara kina Imee at Camille, wa epek

AKSYON AGADni Almar Danguilan HINDI rin umepekto ang pag-endoso ni Vice President Sara Duterte kina …

Firing Line Robert Roque

Ano na ngayon ang tingin ng mga botante kay Pulong?

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. SINABI ni Congressman Pulong Duterte na ipapa-“authenticate” niya sa …

Sipat Mat Vicencio

FPJ Panday Bayanihan Partylist para sa mapayapang halalan

SIPATni Mat Vicencio ILANG araw na lang at tuluyan nang magdedesisyon ang taongbayan kung sino …