NASAMSAM ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kontra ilegal na kalakal, ang hindi rehistradong mga disposable diaper sa inilatag na operasyon sa bayan ng Plaridel, lalawigan Bulacan.
Sa sabayang pagsalakay ng CIDG Regional Field Unit 3 – Special Operating Team, CIDG Bulacan Provincial Field Unit, at lokal na pulisya, ikinasa ang operasyon sa limang warehouse ng Philippine Asia Realty Development Corporation sa Brgy. Bulihan, sa nabanggit na bayan.
Narekober sa operasyon ang tone-toneladang unregistered adult at baby diapers mula China na tinatayang nagkakahalaga ng P45,409,800.
Nadakip sa operasyon ang mga suspek na kinilalang sina alyas Alan, Chinese national, nagpakilalang general manager; alyas Marjorie, assistant manager, at sina Rachelle, Braian, Mark, at Joshua, pawang mga empleyado ng kompanya.
Nakuha ang mga ebidensiyang gamit sa operasyon tulad ng resibo, laptop, printer, bubble wrap, at CCTV recorder.
Ayon kay CIDG Director P/Maj. Gen. Nicolas Torre III, ang ganitong mga produkto ay dapat rehistrado sa FDA upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, lalo ang mga sanggol at matatanda.
Sa pamamagitan ng ikinasa nilang operasyon ay napigilan ang pagkalat ng mga mapanganib na produkto sa merkado. (MICKA BAUTISTA)