NASAKOTE ang tatlong indibiduwal na nakatalang pawang mga most wanted persons (MWPs), kabilang ang number 2 MWP sa provincial level ng Bulacan; at number 1 MWP sa city level sa Baliwag, sa magkahiwalay na manhunt operations na ikinasa ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 19 Abril.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Franklin Estoro, officer-in-charge ng Bulacan PPO, inaresto ng magkasanib na mga operatiba ng Balagtas MPS, 1st PMFC, Bulacan West PIT-RIU3, Baliwag CPS, at 301st RMFC, RMFB 3, ang suspek na kinilalang si alyas Neldy, 38 anyos, residente ng Brgy. Pinagbarilan, Baliwag.
Inaresto ang suspek dakong 2:25 ng hapon sa San Lorenzo Parish Church, Brgy. Wawa, Balagtas kung saan inihain ang warrant of arrest sa paglabag sa kasong Anti-Trafficking in Persons Act of 2003; at Large-Scale Illegal Recruitment na inisyu ng Presiding Judge ng Malolos RTC Branch 19.
Samantala, nadakip ng tracker team ng Malolos CPS sa bisa ng warrant of arrest ang isang 42-anyos na lalaki, sa Brgy. Cofradia, Malolos City, at BJMP Malolos, Brgy. Sto. Niño.
Inilabas ang warrant of arrest para sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property na nilagdaan ng Presiding Judge ng Taguig City MTC Branch 117.
Sa inilatag na follow-up operations bandang 1:00 ng madaling araw kahapon, inaresto ng mga tauhan ng Plaridel MPS ang isang 27-anyos lalaki, residente ng Pasay City, sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Qualified Theft.
Ang warrant laban sa akusado ay inilabas ng Presiding Judge ng RTC, Tanauan City, Batangas.
Kasalukuyang nasa kustodiya ang lahat ng naarestong suspek ng kani-kanilang arresting unit/station para sa tamang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)