AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
DAHIL sa ginawang pag-endoso ni Vice President Sara kina Senator Imee Marcos at House Deputy Speaker Camille Villar, may namumuong tensiyon ngayon sa loob ng kampo ng PDP-Laban. May direkta kasing epekto ito sa fighting chance ng ilang naghahabol na senatorial candidates ng PDP-Laban gaya nina Dante Marcoleta, Philip Salvador, at maging si Jimmy Bondoc.
Kung aangat kasi sina Imee at Camille dahil sa Sara endorsement, maiiwan pa rin sa ilalim ang tatlong nabanggit na kandidato. At ito ang pinakakomplikasyon ng ginawa ni Sara para kina Imee at Camille.
Kung susuriin, para bang inilaglag ni Sara ang buong PDP-Laban at malamang sa malamang ay sina Bong Go at Bato Dela Rosa lang ang makalusot habang deretso-inodoro ang iba pang kandidato ng kanilang partido.
Tulad din ni Imee, tila nasa yugto na rin ng desperasyon sa kampanya si Camille Villar – anak ng numero unong bilyonaryo sa bansa na si Manny.
Pareho kasing nangungulelat sa surveys sina Imee at Camille at may malaking posibilidad na kapwa matalo ngayong 2025 midterm elections kahit sinasabing bilyon-bilyong piso na ang nagagasta ng dalawa sa kani-kanilang kampanya.
Hindi kinakagat ng mga botante ang dalawang miyembro ng Nacionalista Party. Sa pinakahuling Pulse Asia survey, pang-17 si Imee habang pang-14 naman si Camille at naungusan pa siya ng kinupasang action star na si Ipe.
Sabi nga, “and taong gipit sa patalim kumakapit” kung kaya siguro kinuha na nina Imee at Camille ang endorsement ni Sara Duterte. May “Itim” campaign ad si Imee at kalat naman sa social media ngayon ang isang picture na magkakasama sina Camille, Sara, at Manny habang nasa likuran nila ang green screen. Abangan natin kung ano naman ang pakulo ni Camille kasama ang Bise Presidente.
Lumilitaw tuloy ngayon na tila walang paninindigan at prinsipyo sina Imee at Camille. Para sa kanila, layunin lang nila ang manalo pero ayaw na ayaw ng mga botante na sala-sa-init, sala-sa-lamig ang isang kandidato.
Mapait sa panlasa ang walang loyalty. Ganoon sina Sara, Imee, at Camille.