TATLO katao ang iniulat na nasaktan sa sunog na sumiklab sa residential area sa Makabayan St., Barangay Obrero, Quezon City, Sabado ng gabi, 12 Abril.
Kinilala ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga biktimang nasaktan na sina Rene Santos, 16 anyos, nahiwa sa kanang hintuturo; Alfredo Villas, 28, nasugatan sa kanang kamay; at Edric Mamarang, 18, natusok sa kanang kamay.
Itinaas ang sunog sa unang alarma dakong 11:23 p.m. at itinaas sa ikalawang alarma dakong 11:42 p.m.
Dakong 11:56 pm, itinaas na sa ikatlong alarma, at idineklarang under control dakong 2:50 a.m.
Tuluyang naapula ang apoy dakong 4:00 a.m.
Sa inisyal na imbestigasyon nabatid na ang apoy ay nagsimula sa isang kuwarto sa ikalawang palapag dahil sa isang napabayaang may sinding kandila.
Tinatayang umabot sa P250,000 ang halaga ng pinsala.